Ilang estudyante, nasawi matapos ang isang pagsabog sa gitna ng misa sa Mindanao State University

dailybncnews

Isang mapayapa sanang misa sa loob ng Mindanao State University sa Marawi City ang naging puno ng dalamhati at takot matapos ang isang pagsabog.

Sa ulat ng PRO-Bangsamoro Autonomous Region, tatlo ang kumpirmadong nasawi at pito ang sugatan sa nangyaring pagsabog sa loob ng MSU Dimaporo Gymnasium nitong Linggo, Disyembre 3, 2023.

Ayon sa kanila ay mga estudyante ng MSU ang mga dumalo sa nasabing misa.

Sa ilang video ay makikita ang mga nakahandusay na biktima sa gymnasium habang inilalabas ang mga sugatang estudyante ng MSU.

Sa ngayon ay kinikilala pa ng mga otoridad ang mga biktima at kung ano nga ba ang sumabog sa loob ng nasabing gymnasium.

Samantala ay inutusan ni Lanao del Sur Governor Mamintal “Bombit” Alonto Adiong, Jr. ang mga otoridad na agad na imbestigahan ang nasabing insidente at hanapin ang mga nasa likod ng pagsabog.

Nagparating din ito ng pakikiramay sa pamilya ng mga biktima at sinabi na walang lugar ang karahasan sa kanyang probinsiya.