TAPE Inc. blames TVJ’s departure on their financial losses and accumulated debts

dailybncnews

Isinisi ng Television and Production Exponents Incorporated (TAPE Inc.) ang umano’y nangyayaring pagkalugi ng kanilang kumpanya sa pag-alis ng kanilang mga dating host, kasama na sina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon.

Ayon sa Bilyonaryo.com, sinabi ni TAPE President and Chief Exective Officer Jon-Jon Jalosjos na maituturing na isa sa mga dahilan ang paglisan ng TVJ na nag-umpisa matapos nilang kontrolin ang mga nangyayari sa Eat Bulaga.

Ngunit ayon sa kanila ay wala naman silang magagawa kundi gumawa ng hakbang dahil umano sa mga paluging desisyon ng mga namamahala noon sa nasabing noontime show.

“Last year alam niyo naman yung nangyari na hindi dapat nangyari: iniwan tayo ng kasama natin eh. Before ako pumasok dito at nagdecide ang Jalosjos family na makialam na, nakita na namin sa mga reports na palaki nang palaki ang diperensya ng paggastos at ng income…  in short, nalulugi,” ani Jalosjos.

Idinagdag pa ni Jalosjos na tila planado na noon pa ng mga dating hosts at staff nila ang pag-alis sa kanila.

“Salamat sa inyo, naniwala tayo. Hindi ko alam kung planado… basta alam ko lang, ang galing. Sa pag-alis nila may bagong show sila,” aniya.

“Sinubukan nating lahat ng ating makakaya… Dumating ang panahon na lumobo nang lumobo ang utang natin sa GMA,” dagdag pa niya.

Matatandaan na agad na nagkaroon ng show ang mga tinaguriang ‘legit Dabarkads’ sa TV5 at hiniling pa sa korte na makuha ang titulo ng Eat Bulaga.