‘Is that a pulis?’ Bata, nasaksihan ang isang sasakyang walang plaka na may convoy pa

Naging usap-usapan ngayon sa social media ang isang video na ibinahagi ng isang netizen sa social media kung saan makikita ang isang sasakyang walang plaka na mayroon pang convoy.

Mapapansin na wala ring conduction sticker ang nasabing sasakyan

Sa ibinahaging video ng uploader na si Jomel Iglesia ay makikita ang isang full-sized SUV na binabantayan ng mga tila miyembro ng PNP-Highway Patrol Group.

Maririnig rin ang isang bata na paulit ulit tinatanong kung mga pulis ba ang nagbabantay sa nasabing sasakyan na sa ngayon ay hindi pa malaman kung sino ang may-ari.

“Is that a pulis?” tanong ng bata.

Ilang netizens naman ang nalungkot matapos mapanood ang video lalo na’t nasaksihan ito ng isang musmos.

“Yung environment na ine-expose natin sa mga bata. Maliit pa lang sila, ganyan na ang alam nilang galawan.” sabi ng admin ng VISOR page.

“Kita body number ng motor pero sadly mga escort lang ang mapaparusahan dyan if ever mapansin ito ng govt and for sure hindi nila kaya ilaglag kung sino man yung kliyente nila,” komento ni John Jay Abellana.

Sa ngayon ay wala pang pahayag ang PNP-HPG tungkol sa nasabing insidente.

Matatandaan na nitong nakaraang taon lamang ay mayroon ding nag-viral na isang sasakyan na mayroong mga bantay na mga naka motorsiklo.

Ngunit kalaunan ay nalaman na mga pekeng miyembro lamang ng HPG ang mga nagbabantay sa nasabing sasakyan.

Ilang matataas na opisyal narin ng gobyerno ang hiniling na mahigpit na ipagbawal ang mga convoy.

Ilan sa mga opisyal na ito ay si Sen. JV Ejercito.

“The Wang Wang days are back! The PNP should crackdown on this. Huwag sila matakot kahit na Bentley ang sasakyan. Pag hindi presidente o VP, yan hulihin nila,” sabi ni Ejercito.

Facebook Comments