Suzette Doctolero, sinagot ang retiradong propesor na pumuna sa isang eksena ng Maria Clara at Ibarra

Sinagot ng GMA Network head writer na si Suzette Doctolero ang kritisismo na natanggap ng isang eksena ng Maria Clara at Ibarra mula sa retiradong propesor na si Dr. Lakandupil Garcia.

Matatandaan na nitong Enero 6 ay naging usap-usapan sa social media ang naging eksena ng nasabing programa kung saan ay ipinakita ng mga pangunahing karakter ang kanilang pagtindig laban sa sistema ng lipunan.

Makikita sa nasabing eksena ang pagtayo nila Crisostomo Ibarra, Maria Clara, Pilosopo Tasyo, Elias at ang ilan pang karakter na sina Klay at Fidel bilang simbolismo ng kanilang paglaban sa hindi makatarungang pamumuno na kanilang nararanasan.

Ngunit ayon kay Dr. Garcia ay hindi nakalagay ang nasabing eksena sa mismong libro ni Dr. Jose Rizal.

324446916 491978313021108 1936549318721493976 n

Kinakabahala diumano ng retiradong propesor na baka akalain ng mga manonood ay nasa nobela ang nasabing eksena.

Baka diumano’y bumangon din si Rizal sa kanyang pinagkakalagakan upang itama ang ginagawa sa kanyang nobela.

“Partikular kong tutukuyin ang eksenang TUMAYO SI MARIA CLARA SA IBABAW NG UPUANG PANSIMBAHAN, NAKATAAS ANG KANANG KAMAY NA ANYONG PASUNTOK HABANG SUMISIGAW NG ‘DINGGIN N’YO KAMI!’ Saan sa nobela mababasa ito???”

“Tulad ng sinabi ng karakter ni Lou Veloso (bilang propesor ni Bb. Klay)… ‘HINDI KO NA ALAM ANG MAAARING MANGYARI!’ Ang isa ko pang ikinababahala ay ang MARAMING HINDI NAKABASA, MALI ANG BASA AT AYAW BASAHIN ANG ORIHINAL… paano nila ito uunawain at ipaliliwanag sa kani-kanilang kaanak na nag-aaral o nagtatanong? Maihihiwalay ba nila ang orihinal sa halaw?”

324844550 2194559690751037 1099249910914913086 n

“Baka bumangon na si Rizal mula sa hukay dahil sa ginagawang ito sa kaniyang dakilang nobelang NOLI ME TANGERE…” sabi niya.

Nilinaw naman ng propesor na hindi niya kinakalaban ang nasabing programa at nag-aalala lamang siya sa magiging epekto ng ginagawa ng GMA sa nasabing nobela.

Sa ngayon ay burado na ang nasabing post, ngunit hindi parin ito nakaligtas kay Doctolero.

Paliwanag ni Doctolero ay naniniwala silang hindi babangon si Rizal sa hukay dahil sa kanilang ginawang mga desisyon para sa programa.

324744543 920528065606937 5810284487311043169 n

“Gaya sa pinag uusapang speech ni Ibarra noong nakaraang ep, bagamat hindi iyan naganap sa nobela pero hindi imposibleng mangyari.. given the characterization of Ibarra. Isa pa, kung aanalisahin lang sana, hindi ba’t ang laman ng speech ni Ibarra ay siya mismong buod at buong diwa ng Noli? Hindi ba’t ang kanser ng lipunan ay mula rin naman kay Rizal? Kaya bakit magagalit ang dakilang bayani, kung itinampok pa nga’t inilapit ng Mcai sa puso ng mga makabagong Pilpino ang kanyang mga libro?” ani Doctolero.

“Sa ganitong punto, baka dapat ang ibang guro ay maging bukas rin… ? Lumabas sa kahon at tanggapin na ang manunulat ay nagkukuwento at nagdidiskurso ng mga paksa, hindi page by page lifted from the original source, kungdi sa simple at malikhaing paraan para higit na mauunawaan ng manonood ang mga ideya, nang hindi kauumayan at kababagutan ang kwento? Baka may matutunan lang rin ang ibang mga guro, para ang ibang mag aaral ay tunay na magka interes muli na basahin ang libro (at huwag gayahin si Klay na nandaya lang haha).” dagdag pa niya.

Ayon pa kay Doctolero ay hindi nila tungkulin na ituro ang Noli at Fili sa mga kabataan.

“Ang aming tungkulin ay iinspire ang mga tao, na magka interes muli na balikan at basahin ang mga akda ni Rizal… at yan sa palagay ko ay amin namang nagampanan.” sabi ng manunulat.

Samantala ay ilang netizens naman ang ikinatuwa ang diskurso sa pagitan ni Dr. Garcia at Doctolero dahil sa bibihira lamang ang pagkakaroon ng ganitong klase ng usapan dahil sa isang programa sa telebisyon.

Facebook Comments