CJ Alih, sa bumabatikos sa pagmamalaki niya sa kanyang binili para sa anak niya: “Proud ako na ibibigay ko iyong pangangailangan niya bilang tatay”

Nag-trending sa social media ang isang netizen matapos niyang ibahagi sa social media ang pinamili niyang gatas at diaper para sa kanyang anak.

Matatandaan na nitong Disyembre 10 ay nakakuha ng iba’t ibang reaksyon sa social media si netizen CJ Alih dahil sa larawan na ibinahagi niya.

Hindi naman nakaligtas si CJ sa pambabatikos dahil sa ang ilan ay inakusahan siya ng pagpapasikat sa social media.

Mayroon ding mga nagsabi na obligasyon naman talaga ni CJ na bilhan ng gatas at diaper ang kanyang anak kaya’t hindi na dapat itong ipagmalaki pa.

Binatikos din ng dating Pinoy Big Brother housemate na si Justin Dizon ang netizen.

Sa panayam naman sa kanya ng NEWS5 ay sinabi ni CJ na wala siyang masamang intensyon sa pagbabahagi niya ng nasabing larawan.

“Sa mga ayaw sa akin, okay lang. Wala naman akong karapatan na magalit sa kanila. Intindihin ko na lang na hindi nila naintihan iyong post ko.” ani CJ.

“Sobrang proud ako sa pagiging tatay kaya unang-una po ay first baby ko iyan. Proud ako na ibibigay ko iyong pangangailangan niya bilang tatay, bilang ama sa pamilya,” dagdag pa niya.

Ayon sa kanya ay nag-iba ang kanyang kagustuhan sa buhay ng siya ay maging ama.

“Iba ang buhay binata at buhay may-asawa, iba ‘yung gusto ko nung binata pa ako pero noong nagka-pamilya na ako, mas priority ko ‘yung bahay, bago ‘yung materyal na bagay dahil may pamilya na po ako,” sabi pa niya.

Sa ngayon ay umabot na sa 40,000 shares ang nasabing post ni CJ at hanggang ngayon ay patuloy parin ang pagbibigay komento ng mga netizens tungkol sa kanya.

 

Facebook Comments