Netizen nagreklamo matapos umorder ng ‘Jordan’ na sapatos online ngunit ‘Fly With Me Baby’ ang dumating

Imbis na mainis ay marami ang natawa sa reklamo ng isang netizen tungkol sa isang online shop na nagbebenta ng sapatos.

Sa kanyang post, ibinahagi ni Angel Rama ang kanyang reklamo laban sa ‘The Collection Sneakers’ online shop dahil sa diumano’y maling sapatos na dumating sa kanila.

Ayon kasi sa kanya ay umorder ang kanyang kapatid ng ‘Air Jordan 4’ na sapatos sa nasabing online shop ngunit laking gulat na lamang nila na ang dumating ay iba ang tatak na nakalagay.

air jordan 4
Larawan ng orihinal na Air Jordan 4

Pareho man ng disenyo ay mapapansin na na ‘Fly With Me Baby’ ang tatak ng nasabing sapatos.

Hiling ni Rama ay sana’y mapalitan ng nasabing online shop ang sapatos.

“J4 (Jordan 4) yung inorder tas Fly With Me Baby yung dumating pati box ganun din e AHAHAHAHAHAHA lakas amats kawawa yung kapatid ko,” sabi ni Rama.

“The Collection Sneakers BAKA NAMAN GUSTO NYO PALITAN ‘TO KUNG AYAW NYO KARMAHIN KAYO HABANG BUHAY,” dagdag pa niya.

Sinubukan namin tanungin kung magkano ang ibinebentang sapatos ng nasabing online shop at sinabi nila na nagkakahalaga ito ng P1,499.

Malayo ito sa orihinal na presyo ng Air Jordan 4 na nagkakahalaga ng P10,000 hanggang P15,000.

air jordan 4 2
Larawan mula sa The Collection Sneakers

Makikita rin sa Facebook page ng nasabing online shop na larawan nga ng mga Air Jordan ang kanilang ginagamit.

fly with me baby 2

Sa ngayon ay wala pang pahayag ang nasabing online shop kung may balak ba silang palitan ang sapatos na dumating kila Rama.

Umabot naman sa libo libong reaction at shares ang nasabing post sa social media.

Ang ilan ay sinabihan si Rama na mas mainam na sa mag kilalang online shop sila bumili upang hindi na sila maloko sa susunod.

Facebook Comments