Manny Pacquiao handang tapusin ang kanyang pagre-retiro upang labanan ang mga world champion

Ibinahagi ni dating Sen. Manny Pacquiao na handa siyang tapusin ang kanyang pagre-retiro sa boxing upang labanan ang mga kasalukuyang world champion.

Ito ang ibinahagi ni Pacquiao sa panayam sa kanya bago ang kanyang charity exhibition match laban sa Youtuber na si DK Yoo.

Ayon sa kanya ay gusto niyang labanan si Terrence Crawford o si Errol Spence na parehong undefeated at itinuturing na pinakamagagaling na boksingero sa kasalukuyan.

“Of course I can fight Terrence Crawford or [Errol] Spence. I’m eager to fight with them to test them, to see if they’re really a champion.” ani Pacquiao. “I’ve been fighting a lot of boxers at 147, 140, 135, I’ve been fighting one of the greatest boxers in the world. So, I want to test them to fight with me.” 

Si Spence sana ang makakalaban ni Pacquiao noong 2021 ngunit napalitan ito ng boksingero na si Yordenis Ugas na tinalo ang pambansang kamao via unanimous decision.

Nang sumunod na taon naman ay tinalo ni Spence si Ugas sa pamamagitan ng TKO.

Naniniwala naman si Pacquiao na handa parin ang kanyang katawan para sa boxing ring.

 “I’m still here. Even though I was retired for more than a year, I keep on working and playing basketball, workout almost every day.” wika niya.

Ilang netizens naman ang kontra na lumaban pa muli si Pacquiao dahil sa mayroon na itong edad at wala na dapat pang patunayan.

May ilan naman na kinukwestiyon kung bakit kailangan parin maghanap-buhay ng eight division world champion.

Natalo nitong nakaraang halalan si Pacquiao at gumastos ito ng P129-M, kalahati nito ay galing sa sarili niyang bulsa.

 

Facebook Comments