Benilde, hindi magsasampa ng reklamo matapos ang paghipo ni Pao Javillonar kay Will Gozum

Walang plano na magsampa ng pormal na reklamo ang De La Salle-College of Saint Benilde laban sa Letran Knight player na si Pao Javillonar na matatandaang nag-trending sa social media matapos ang kanyang ginawa kay Will Gozum ng Benilde.

Matatandaan na nitong Game 1 ng NCAA Season 98 men’s basketball finals ay nagreklamo si Gozum sa referee sa kalagitnaan ng 3rd quarter dahil sa paghawak ni Javillonar sa kanyang likuran.

Tinawag naman na ‘disrespectful ng direktor ng Benilde Center for Sports Development na si Stephen Fernandez ang ginawa ni Javillonar ngunit hindi na kinakailangan pa na umabot sa demandahan ang nangyari.

“We were quite expecting that to happen, that kind of play, not necessarily the action. We will be much ready sa aming second game,” ani Fernandez.

Sa isang panayam naman ay sinabi ni Gozum na hindi niya nagustuhan ang ginawa sa kanya ni Javillonar.

“Siguro physicality matatanggap ko pero ‘yung ganoon? Kahit sino namang player, madidismaya sa ganoon but okay lang, tanggap ko naman. Kung ganoon siya, so be it,” ani Gozum.

“Gano’n ‘yung character niya, gano’n yata siya pinalaki. I don’t know.” dagdag pa niya.

Naglabas din ito ng tweet kung saan ay tinawag niya na “ewww” ang nasabing insidente.

Sa ngayon ay wala pang pahayag si Javillonar sa nangyari.

Ito na ang ikalawang isyu na kinaharap ng Benilde ngayong taon.

Matatandaan na nitong nakaraang buwan ay pinag-usapan din ang nasabing team dahil sa ginawang panunugod sa kanila ng dating Jose Rizal University (JRU) basketball player John Amores.

Umabot sa demandahan ang naging isyu at nagresulta ito sa pagkaalis ni Amores sa kanyang team.

Facebook Comments