Bam Aquino, kontra sa Maharlika Wealth Fund: “Ang tanong, tama ba ang timing?”

Nagbigay ng kanyang opinyon si dating senador Bam Aquino tungkol sa isinusulong na Maharlika Sovereign Wealth Fund (SWF) na isinusulong ngayon sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos Jr.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Aquino na isa sa mga nagsulong noong 2016 ng pagtatatag ng SWF na magkaiba ang kalagayan ng bansa noong isinusulong niya ang nasabing panukala at ang panahon ngayon.

“Noong 2016, nag-file tayo ng isang batas para sa isang sovereign wealth fund (SWF) ng ating bansa. Pangkaraniwan ang pagkakaroon ng SWF sa buong mundo, at isa itong long-term na paraan upang palawigin ang yaman ng isang bansa,” ani Aquino.

“Pero ang tanong, tama ba ang timing?” dagdag pa niya.

Ayon sa kanya ay matibay ang ekonomiya ng bansa noong 2016 habang sa kasalukuyan ay bumabangon parin tayo sa pagkakalugmok dahil sa mga nangyaring krisis.

“Ibang iba ang ekonomiya noong 2016 at ngayon – maganda ang takbo ng ekonomiya, mataas ang economic growth, mababa ang utang ng gobyerno, at mababa rin ang inflation,” aniya.

“Ngayon, bumagal ang ekonomiya dahil sa pandemya, at mataas ang presyo ng bilihin. Marami sa mga kababayan natin ang nangangailangan ng tulong sa pang-araw-araw na gastusin ng kanilang pamilya. Palagay ko, mas kailangan mabigyang prayoridad ito dahil ito talaga ang hinahanap at kailangan ng ating mga kababayan,” dagdag pa niya.

bam 1

Sa ngayon ay hinimok ni Aquino ang mga senador na ayusin muna ang ilan sa mga probisyon ng isinusulong na SWF at maglagay ng karagdagang “safeguard” upang masigurado na hindi nanakawin ang gagamiting pera para dito.

 

Facebook Comments