Sen. Robin Padilla, naniniwala na ‘banta’ sa national security ang #NasaanAngPangulo

Naniniwala si senador Robin Padilla na delikado sa seguridad ng bansa ang pinapa-usong hashtag ng ilang netizens na #NasaanAngPangulo tuwing mayroong nangyayaring kalamidad sa bansa.

Matatandaan na nauso ang nasabing hashtag simula pa noong panahon ni dating pangulong Noynoy Aquino upang batikusin ang tila hindi pagpapakita ng lider ng bansa sa gitna ng kahirapan ng kanyang mga kababayan.

Ayon kay Padilla ay nakikita niya itong banta sa seguridad ng bansa dahil diumano maraming netizens ang hinahanap ang eksaktong lokasyon ng presidente.

paeng 1

Inireklamo din nito ang mga nagpapakalat ng maling balita tungkol sa kung nasaan si Marcos noong nanalasa ang Bagyong Paeng noong nakaraang buwan kung saan ay ipinapakalat na nasa Japan ang pangulo kahit na ang totoo ay nasa Cotabato ito kasama ni Padilla.

“Lagi kong inaabangan kung ano ang sasabihin ng Office of the President kasi kasama ko si Presidente, nandun kami sa Cotabato noong panahon na ‘yun na ang tsinitsismis nasaan ang Pangulo,” kwento ni Padilla sa hearing tungkol sa pagpapalaganap ng fake news.

“Anong puwede nating gawin? Sinong puwedeng magreklamo dun kasi para sa akin national threat ‘yung ganun eh. Tinatanong mo kung nasaan ‘yung Presidente,” dagdag niya pa.

Sinabi naman ng Department of Justice (DOJ) na gumagawa na sila ng mga aksyon upang magawan ng paraan ang pagkalat ng maling impormasyon lalo na kung may kinalaman na ito sa seguridad ng bansa.

 

Facebook Comments