Restaurant, pinuri ang kanyang mga customer dahil sa iniwan nitong malinis ang kanilang table

Isang restaurant ang hindi mapigilan na pasalamatan ang isang grupo na naging customer nila dahil sa paglilinis nila ng kanilang kinainan matapos nilang kumain.

Ibinahagi ng Tondoueño Korean Grill restaurant sa Maynila nitong Nobyembre 23 ang larawan ng kanyang mga customer na iniwan ang kanilang table na sobrang linis.

Ayon sa may-ari ng nasabing restaurant ay bibihira lamang ang ganitong klaseng mga customer kaya naman nagpapasalamat sila sa ginawa ng mga ito.

Malaking tulong umano ang ginawa ng kanyang mga customer sa kanilang mga staff na nakatipid ng oras sa paglilinis.

“Shout out po sa grupong ito. Salamat po sa pag iwan ng malinis at maayos na lamesa. Malaking tulong po ito sa ating mga crew,” sabi ng restaurant.

Ikinatuwa naman ni Flordeliza Calupitan na isa sa mga miyembro ng nasabing grupo ang pagpapasalamat sa kanila ng restaurant.

“Maraming salamat din po s inyong pagpapahalaga sa maliit n bagay n ginawa nmin ay nasiyahan po kyo. Thank you po,” sabi ng netizen.

317456556 10217226960344867 4245454333232463452 n
Larawan mula kay Jah Bongoyan at Flordeliza Calupitan/FB

Inulan ng papuri sa social media ang nasabing grupo at nag-umpisa rin ng diskusyon kung dapat nga bang linisin ng mga customer ang mga pinagkainan nila sa restaurant.

“Hindi naman yan required pero its a way of being responsible. Kahit pa sinabi mong nagbayad ka, ipakita mo rin kung paano ka magpasalamat at magayos nang kinainan mo. Namana kasi natin ang ugali nating mataas sa mga kastila kaya yung iba sa atin kung sino umasta.” wika ni Sonny Sian.

“Ganyan ginagawa namin tapos kumain liligpitin muna namin,,kc alam ko ung pakiramdam ng mga staff kong ung lamesa na liligpitin nila e nakaayos na ung mga plato kc naging isa rin akong crew ng restaurant. Ang sarap sa pakiramdam.. Kahit na sabihin natin na trabaho na nila un pero di naman mabigat sa loob natin na kahit ung pinagkainan natin na mga plato e nasa ayos na bago tau umalis,” sabi naman ni Jinky Aquino.

Dahil sa sumikat ang nasabing post sa social media ang ilang customer tuloy ng nasabing restaurant ang gumaya sa ginawa ng pamilya.

Nilinaw naman ng restaurant na hindi nila ino-obliga ang kanilang mga customer na maglinis.

“Wag po mag alala, wala pong ibabawas na empleyado, bibilis lang po ang pag upo ng susunod na kakain, oh di ba forda gutom na nakapila makakakain agad… Hindi nyo po obligasyon na linisin o ligpitin pero God bless po sa inyo,” sabi pa ng restaurant.

 

Facebook Comments