Ama ni Bince Operiano, nilinaw na wala silang perang napanalunan sa chess tournament: “Akala nga nila milyonaryo na kami,”

Nilinaw ng ama ng siyam na taong gulang na chess champion na si Bince Operiano na wala silang napanalunan na cash prize sa 6th Eastern Asia Youth Chess Championship na ginanap sa Thailand.

Matatandaan na nagbunyi ang mga netizens matapos matalo ni Bince ang nasa mahigit na 20 na katunggali niya na mula pa sa iba’t ibang bansa.

Marami rin silang kakilala na sinabi na maaring makaahon na sa hirap ang pamilya ng chess prodigy ngunit nilinaw ng ama nito na si Ben Operiano na mali ang akala nila.

bince operiano scaled
Larawan mula kay Bince Operiano

Sa panayam ng Pep.ph sa pamilya Operiano ay nilinaw nilang wala silang napanalunan na pera sa ginanap na chess tournament.

“Sa mga hindi po nakakaalam, akala nga nila milyonaryo na daw po ako. Sa totoo lang po, wala po talagang kalakip na prize o perang napanalunan. Wala po,” kwento ni Mr. Operiano.

“Gold medal lang po nakuha namin, isang silver, dalawang bronze, isang trophy, saka mga certificate lang po. Yun lang po. Wala po siyang kasabay na pera. Karangalan lang po talaga ‘yung inuwi namin,” dagdag niya pa.

bince 1 scaled
Larawan mula kay Bince Operiano

Inamin din ni Mr. Operiano na wala pa silang natatanggap na insentibo mula sa national government.

“Sa incentive na nanggaling sa national [government], wala pa po kaming natatanggap sa ngayon po. Hintay-hintay po kami kong mabibigyan po kami o hindi,” aniya.

Matatandaan na maraming netizens ang naantig sa naging istorya ni Bince dahil sa paghihirap na naranasan nito bago maganap ang tournament.

bince 1 1
Larawan mula kay Bince Operiano

Ayon kay Mr. Operiano ay personal na desisyon nila na matulog sa airport lalo na’t wala naman silang budget para matulog sa hotel.

“Talagang kukulangin kami sa budget kasi kung kapatid ko naman sa Molino, Bacoor, malayo pa yung uuwian ko. Kaya nag-stay na lang kami sa airport kasi nga yung biyahe, yung trapik… Doon [airport] po kami nag-stay. Nakipagsapalaran lang kasi yung anak ko. Desidido rin ako na makapaglaro siya doon.” kwento pa niya.

Sa ngayon ay dahil sa nakilala lalo si Bince ay marami ang nagpaabot ng tulong sa kanila.

Nagpasalamat naman ito sa mga nakapagbigay ng tulong sa kanyang anak at umaasa na sana’y makakuha pa sila ng pondo para sa pag-eensayo ng bata.

“Yung problema lang namin ngayon sa coach, paano kami makakabawi sa coach. Siyempre may bayad din po. Dati kasi libre yung nagti-train kay Bince. Ngayon kailangan naming magbigay kahit papaano.” wika pa ng ama ni Bince.

Facebook Comments