19-anyos na binatilyo, hindi nagdalawang isip na ibalik ang napulot na P70,000

Inulan ng papuri sa social media ang isang 19-anyos na binatilyo mula sa Subic, Zambales dahil sa angking katapatan na ipinakita nito.

Ibinahagi ng Subic Mps sa kanilang Facebook page ang katapatan na ipinakita ni Arjay Piletina na residente ng Barangay Wawandue matapos niyang isauli ang isang itim na bag na naglalaman ng P70,000 at ilang mahahalagang gamit.

Ayon sa kwento ni Arjay ay napulot niya ang bag sa ospital kung saan dinala ang kanyang pamangkin.

Kahit na nangangailangan sila ng salapi para sa pagpapagamot ng kanyang pamangkin ay hindi nagdalawang isip si Arjay na hanapin ang totoong may-ari ng bag sa tulong ng mga kapulisan.

Todo pasasalamat naman ang may-ari ng nasabing pera at sinabi na mahalaga ang paggagamitan nila nito kaya’t napakasaya niya na isang mabuting puso ang nakapulot ng kanyang gamit.

“Patunay lamang ito sa Adhikain ng Revitalized KASIMBAYANAN at ng MKK=K, na nagpapakita ng MALASAKIT sa ating Kapwa anuman ang sitwasyon na ating nararanasan. Tunay ngang may kabutihan sa bawat Tao.” sabi ng Subic PNP.

“Saludo ang Kapulisan ng Subic Municipal Police Station sa Katapatan at Pagiging magandang Ehemplo ni Arjay E Piletina,” dagdag pa nila.

Sa ngayon ay umabot na ng 200 shares sa social media ang nasabing istorya ni Arjay.

“Mapagkakatiwalaan sa malit na bagay at maging sa Malaki, may takot sa Diyos at Maka tao. Hindi alintana Ang kapakanan at mapagkakatiwalaan maibalik lamang Ang Isang bagay. Yan Ang Kabataang mapagkakatiwalaan at huwaran. Sa bagong hinirasyon may malasakit sa kapakanan Ng Iba mabuhay ka,” sabi ni netizen Danilo Diaz.

“Yan po ang pagpapatunay na maayos ang pag pagpapalaki kay Arjay ng kanyang mga magulang. Mabuhay ka Arjay!” ani Dennis Abastillas.

Facebook Comments