Delivery rider na inakusahan at nakasagutan ang isang nagpakilalang ‘engineer’ ibinahagi ang kwento niya

Pinag-usapan nitong nakaraang araw ang alitan sa pagitan ng isang delivery rider at isang nagpakilalang ‘engineer’ dahil sa isang diumano’y bogus na parcel.

Ibinahagi sa social media ng delivery rider na si Henry Macajilos, 50, ang pagtatalo nila ng kanyang customer na idinadamay siya sa maling parcel na dumating sa kanya.

Pinilit din ng nasabing engineer ang delivery rider na ibalik ang ibinayad nitong pera sa buyer kahit na ang trabaho lamang ni Macajilos ay ipadala ang nasabing parcel.

macajilos 1

“Lolokohin pa tayo, nag-aral pa tayo ng limang taon sa eskwelahan para lang lokohin ng mga ganyang tao, ikaw kuya ang sangkot mo diyan kinuha mo pera ko, hindi ka sigurado sa dineliver mo kung ano,” sabi ng engineer kay Macajilos.

“Next time sir huwag niyo ko husgahan kung ano man ang pagkatao ko huwag ka magsalita na hindi niyo naman ako kilala, huwag niyo ako husgahan na scammer ako,” sagot naman ni Macajilos.

Ilang araw matapos itong makakuha ng milyon milyong views sa social media ay nagpaunlak ng panayam sa Bandera News TV si Macajilos.

macajilos 2

Sa nasabing panayam ay ikinuwento ng delivery rider ang buong pangyayari simula sa umpisa upang malinawan ang mga netizens kung sino nga ba ang nagsasabi ng totoo sa kanilang dalawa ng engineer.

Ayon kay Macajilos ay regular na palang customer niya ang mga kamag-anak ng nasabing engineer kaya’t inaasahan nito na mabilis lamang ang magiging delivery niya.

Pagdating niya sa tahanan ng engineer ay sinunod niya naman ang mga normal na procedure ng kanilang kumpanya sa pagbibigay ng parcel sa kanilang customer.

Kasama na sa proseso ang pagkuha nila ng bayad sa customer niya na engineer.

Ngunit napansin nito na nag-aalangan magbigay ng bayad ang engineer sa kanya at sinabi na bubuksan muna nito ang parcel.

Nang makita ng engineer ang laman ng parcel ay nagbayad na ito ngunit ng papaalis na si Macajilos ay dito na nag-umpisa na magreklamo ang kanyang customer.

Reklamo ng customer ay ibang brand ang natanggap niyang pantalon at hindi ang kanyang ino-order.

Sinabi naman ni Macajilos na kung maari ay hindi niya na ibalik ang bayad dahil sa nailagay niya na sa system nila na ‘paid’ na ang parcel at maaring mag-abono siya kung sakali na ibigay niya muli ang pera.

Ayon kasi sa kanya ay P1,000 ang makakaltas sa kanya kung ibabalik niya ang pera na malaki kung ikukumpara sa P355 niya na sweldo kada araw.

Hindi naman pumayag ang engineer at sinabihan siya nito na gawin ng maayos ang kanyang trabaho.

Sinabi ni Macajilos na pinipilit niya na lamang intindihin ang mga customer katulad ng nasabing engineer dahil sa kung magpapa-apekto siya ng lubos ay walang mangyayari sa kanyang pamilya.

Facebook Comments