Humingi ng paumanhin dating Ifugao Rep. at Liberal Party Secretary-General Teddy Baguilat sa kanyang maling impormasyon na naikalat laban kay Ilocos Rep. Sandro Marcos.
Matatandaan na nitong Nobyembre 26 ay ibinahagi ni Baguilat ang isang larawan ni Marcos kung saan makikita ang quote diumano nito para sa tumataas na presyo ng sibuyas sa merkado.
Makikita rin na ginamit ang logo ng SMNI sa nasabing larawan.
“Why the big fuss about the prices of red onions? Common sense dictates that you use white onions when red onions are expensive and alternatively, you should use red onions when white onions are expensive. Simple problems need simple solutions,” ayon sa quote.
Hindi naman nagustuhan ni Baguilat ang sinabi diumano ni Marcos.
“In short, ang gusto nila sabihin, mag tiis kayo. Pag ganyan ang problem-solving skills ng leader natin, kawawa tayo. Sana masolusyunan bakit nahihirapan ang farmers kaya nagmahal ang sibuyas,” ani Baguilat.
Mismong si Rep. Marcos na ang nagsabi na wala siyang inilabas na ganoong pahayag tungkol sa sibuyas.
“Disinformation pa more!” sabi ni Marcos sa dating mambabatas.
Kahit mismong ang SMNI ay itinanggi na sa kanila galing ang nasabing larawan na ibinahagi ni Baguilat.
Nangako naman ang nasabing kumpanya na pananagutin ang gumawa ng nasabing pekeng quote na ginamit ang logo ng SMNI.
Agad namang humingi ng paumanhin si Baguilat sa kanyang mga nasabi.
“Sorry I have to be more cautious sa fake news. I think the quote attributed to Cong Sandro that I commented is not true. I apologize. My Bad. For us who fight misinformation should take the lead in verifying info we shared. I haven’t. Sorry po,” ani Baguilat.
Wala pang tugon si Marcos sa paghingi ng paumanhin ni Baguilat.