Kapitbahay, nanugod dahil sa inireklamo siya sa pagbi-videoke ng madaling araw

Pagdating sa mga okasyon ay hindi nawawala sa mga Pilipino ang pagkanta sa Karaoke.

Ngunit paminsan-minsan ay imbis na makasaya ay tila nakakaistorbo pa ito ng mga kapitbahay lalo na kung ‘full-volume’ magpatugtog ang may okasyon.

Isa sa mga halimbawa nito ay ang trending ngayon sa social media na pagtatalo sa pagitan ng dalawang magkapitbahay dahil sa maingay na karaoke na pinapatugtog parin umano kahit na madaling araw pa lamang.

maxresdefault 6

Sa video na ibinahagi ni netizen @jessicalablab, makikita ang isang babae na sinugod siya dahil sa pagrereklamo niya sa maingay na videoke ng kanyang kapitbahay.

Ayon sa uploader ay mayroon siyang pasok sa trabaho ngunit hirap na hirap siyang makatulog dahil sa kaharap lamang ng bahay niya ang pinapatugtog na videoke ng nasabing babae.

Nakiusap lamang ito na sana’y huwag na silang magpatugtog, ngunit imbis na pagbigyan ay tila nagalit pa ang babae.

“Pasenya na kayo kasi ‘yon ay okasyon, hindi po ‘yan araw araw,” paliwanag ng babae.

“Pumili kayo ng bahay na hindi maingay,” dagdag pa nito.

Nagreklamo pa ang babae at tinawag ang uploader na ‘hindi marunong makisama’.

“Dapat marunong kang makisama at ikaw bago ka palang dito,” sabi ng babae.

“Kung ayaw mo ng maingay, pumunta ka sa bundok,” dagdag pa nito.

Makikita na inaawat na ito ng kanyang asawa ngunit tila game na game ang babae na makipag-away sa uploader.

Sa ngayon ay may daang libong reaction na sa social media ang nasabing post at milyon milyong views.

Matatandaan na mayroon ng ilang ordinansa na ipinapatupad ang ilang LGU na nagbabawal sa pagpapatugtog ng videoke kapag lumampas na ang 10 p.m.

Samantala ay isinusulong naman sa kongreso na gawing batas ang pagbibigay ng tamang oras para sa pagpapatugtog ng videoke.

Isinulong ang House Bill No. 1035 – “An Act Prohibiting the use of Videoke/Karaoke systems and Other Sound Amplifying Equipment that Cause Unnecessary Disturbance to the Public within the Residential Areas, and Providing Penalties Therefor” ang pagbabawal sa pag-iingay kasama na ang pagkanta ng videoke kapag lumampas na ang 10 p.m.

Paparusahan ang mga lalabag dito ng P1,000 na multa o pagkakakulong ng hindi hihigit sa anim na buwan.

Ayon sa nagpasa ng panukala na si dating Quezon 4th District Rep. Angelina Tan ay may masamang ‘social’ at ‘health’ effects ang pag-iingay lalo na kapag oras na ng tulog ng karamihan.

 

Facebook Comments