Usap-usapan ngayon sa social media ang nangyaring insidente sa Marilaque Highway kung saan isang pickup truck ang nakabangga ng isang mag-asawa na sakay ng motorsiklo.
Dahil sa kumalat na ang dashcam footage na kuha ng may-ari ng pickup truck ay maraming netizens ang nagtatanong kung mayroon nga bang pananagutan ang driver ng nasabing sasakyan.
Ayon kasi sa ilang netizens na nakapanood ng dashcam footage ay tila lumampas sa linya ang mag-asawa kaya ito tumama sa harapan ng pickup truck.
Napansin din nila na tila mabilis ang takbo ng motorsiklo habang sinasalubong nito ang sasakyan.
Sa isang episode ng Unang Hirit ay pinag-usapan kung mayroon nga bang pananagutan ang isang driver kung sumusunod naman ito sa batas trapiko habang ang nabangga nito ay hindi.
Ayon kay Atty. Gaby Concepcion ay kung ang nabangga ang naging pabaya at hindi sumunod sa batas ay wala na itong mahahabol pa sa nakabangga sa kanya.
Kailangan ng sapat na ebidensya na ang nabangga ang sumuway sa batas trapiko at hindi ang nakabangga.
“Kung ang nasaktan ay ang taong pabaya then wala na siyang dapat na hahabulin pa dahil ito naman ay kasalanan niya,” sabi ng abogado.
“Sa ilalim ng batas, if you are guilty of a traffic violation and there’s an accident ay bumabaliktad.. Kailangan mong patunayan na hindi ka nagkulang sa tamang diligence,” dagdag pa niya.
Samantala ay isinusulong din sa kamara ang panukalang batas na ‘Philippine Responsible Driving and Accountability Act’ na magbibigay ng mas malinaw na guidelines kung mayroon nga bang pananagutan ang nakabangga o wala.
Isa sa mga ibinahaging halimbawa ng sumulat ng nasabing panukala na si Rep. Mario Mariño ng 5th District, Batangas ay ang nangyari kay Teddy Gotis noong taong 2017 kung saan ay nasawi ang bumangga sa kanyang motor na nadiskubreng walang lisyensa, walang helmet at nakainom.
“It has merely been a practice of law enforcers to presume the culpability of a driver of a bigger vehicle,” ani Mariño.