Ilang araw ng punong puno ng tensyon ang isang barangay sa Ternate, Cavite dahil sa diumano’y ginagawang pagbabakod ng ilang nagpakilalang tauhan ni dating Rep. Gilbert Remulla.
Ang dating mambabatas ang kapatid ng kasalukuyang Department of Justice (DOJ) Sec. Boying Remulla
Sa isang Facebook post, humingi ng tulong ang residente na si Jessabel Abasola dahil sa diumano’y ginagawang pangingimkim ng lupa ng ilang kalalakihan kasama na ang mismong barangay captain nila na si Gomez Linayao Jr.
Makikita sa video na ibinahagi ni Abasola ang panghaharang nila at pakikipagtalo nila sa kanilang kapitan.
Ayon kasi kay Abasola ay walang sapat na dokyumentong hawak si Linayao upang magawa ang mga aktibidad na gusto nila sa kanilang lupain sa Sitio Aplayita, Barangay Bucana.
Sa isang parte pa ng video ay makikita ang isang lalaki na tila gagamitin na ang kanyang armas sa mga residente ngunit buong tapang naman itong pinagsabihan ni Abasola.
Hindi diumano nila papayagan na magbakod ang mga kalalakihan dahil sa mismong ang kapitan ang nagbigay ng fencing permit at hindi ang korte.
Paulit ulit din nilang hinamon ang kapitan na magpakita ng titulo sa kanilang babakurang lupa ngunit wala itong maipakita.
“Court order lang po ‘yung i-honor namin, ilalabas po namin ang papel namin sa korte,” sabi ni Abasola sa kapitan.
“Kapitan kayo, dapat kayo mismo ang nagpo-protekta sa amin pero anong ginagawa niyo?” dagdag pa niya.
Hinangaan naman ng mga netizens si Abisola dahil sa alam nito ang kanyang karapatan.
Sa isang video ay maririnig naman na diumano’y sinasabi ng mga kalalakihan na lupain umano ni dating Rep. Remulla ang binabakuran nila.
Humingi naman sila ng tulong kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na sana’y matulungan sila sa umano’y pangigipit sa kanila ni Remulla.
Wala pang pahayag ang kampo ni Remulla tungkol sa nasabing isyu.