Ilang netizen sa Twitter ang tila kinukumpara ang nangyari sa Jose Rizal University (JRU) player John Amores sa ginawa noon ni Vice President Sara Duterte sa isang sheriff.
Sa post ni Sen. JV Ejercito, sinabi niya na dapat ay permanente ng hindi makapaglaro sa liga si Amores dahil sa idinaan nito sa init ng ulo ang problema niya sa kalabang team.
“John Amores should be banned for life in any basketball league. What he did on court on an NCAA game is a bad impression on our youth.” ani Ejercito.
Ngunit ilang netizens ang dinala ang paksa kay Duterte na kilalang kaalyado ni Ejercito.
“Pano po pg isang govt official nanapak ng sheriff n gngww lng dn trabaho nya? Dpt dn po b ma ban?” tanong ni @YaniYanCruz.
“Eh yung mayor dati na nanapak ba’t hindi na-ban for life? Naging VP pa nga. Selective. Rule doesn’t apply to those in power, no?” tanong ni @CestTopLavie.
“Agreed and for public servants mas mataas po dapat standard natin diba so eto din dapat i-ban din,” wika naman ni @truff007.
Matatandaan na noong 2011 ay naging laman ng balita si Duterte na isa pa lamang alkalde ng Davao City noon ng sugurin niya ang court sheriff na gustong ituloy ang demolisyon ng mga bahay sa isang barangay sa nasabing siyudad.
Nakiusap si Duterte na sana’y ipagpaliban muna ang demolisyon lalo na’t masama ang panahon noong araw na ‘yon ngunit nagpumilit parin ang sheriff na naging dahilan upang uminit ang ulo ng alkalde.
Sa isang panayam naman ay ibinahagi ni Duterte na isa ang ginawa niya sa sheriff na pinagsisisihan niya.
“It was embarrassing and it should not happen again,” saad noon ni Duterte.