Naniniwala ang kampo ng kapatid ni Percy Lapid na mayroon pang “opisyal” na mas mataas kay suspended Bureau of Corrections (BuCor) Director-General Gerald Bantag na nasa likod ng nangyari sa mamamahayag.
Sa isang panayam, sinabi ng abogado ni Roy Mabasa na si Danilo Pelagio sa panayam sa kanya ng ANC na maaring hindi lamang si Bantag ang mataas na opisyal na nag-utos na patumbahin si Lapid.
Inamin naman ni Pelagio na wala pa silang ebidensya na magpapatunay na isa si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga sangkot sa nangyari kay Lapid, ngunit inaasahan nila na makakakuha sila ng mga panibagong impormasyon pag umandar ang pagdinig.
“There are, as we understood, 160 persons of interest but right now, if we look at the evidence, there is no evidence linking the president. That’s why, in the course of the trial, something could crop up which could lead to the filing of new charges,” ani Pelagio.
Matatandaan na sa isang panayam ay sinabi ni Mabasa na dapat ay isama si Duterte sa mga “persons of interest” dahil sa isa rin ito sa mga binatikos noon ni Lapid.
Kilala si Lapid sa pagtawag ng “Digongyo” na katunog ng salitang ‘Demonyo’ sa dating pangulo.
Wala pang pahayag ang kampo ng dating pangulo tungkol sa mga sinabi ng kampo ni Mabasa.