Hindi diumano papayag ang suspended Director General ng Bureau of Corrections (BuCor) na si Gen. Gerald Bantag na mailagay siya sa selda dahil sa pagkasawi ng mamamahayag na si Percy Lapid.
Sa panayam sa kanya ni Anthony “Ka Tunying” Taberna, sinabi ni Bantag na alam niya nang siya ang idinidiin ng gobyerno na mastermind sa nangyari kay Lapid.
Ayon sa kanya ay hindi niya papayagan na makulong siya dahil sa alam niya na marami ang gaganti sa kanya kapag nasa loob na siya ng selda.
“Ipapahintulot ko bang makulong ako? P*tayin na lang ninyo ako kasi alam ko mangyayari sa akin do’n eh. ‘Di naman ako mga senador, mga nakulong na mga big-time na sabihing proteksyonan ‘yan. Na kung sasabihin nilang ako target nila? Magp*p*tayan na lang kami ng gobyernong ito,” ani Bantag.
Naniniwala siya na siya ang idinidiin na mastermind dahil sa siya lamang ang pinangalanan ng gobyerno sa 160 na persons of interest sa pagkasawi ni Lapid.
Binatikos din nito ang ginawa ng gobyerno na pagpapangalan sa ‘middleman’ na nasa loob ng Bilibid at sinabi na kasalanan nila kung bakit ito nasawi.
“Kasalanan nila ‘yon. Ba’t kasi nila in-expose na, ‘Oh, ito na ‘yong gunman ninyo.’ Ano’ng gagawin ngayon? Meron palang middleman, mayroon pa palang mastermind. Eh ‘di nagkalintik-lintikan na.” aniya.
Sa ngayon ay inaasahan na ibabahagi na sa publiko ng Department of Justice (DOJ) ang mga kakasuhan nila sa Nobyembre 7.
Ngunit ngayon pa lamang ay kumakalat na sa mga ilang ulat na si Bantag ang isa sa mga makakasuhan sa nangyari sa mamamahayag.