Naniniwala ang kolumnista na si Mon Tulfo na posibleng isa sa mga motibo ng pagkasawi ni Percy Lapid ay ang mga rebelasyon ng mamamahayag laban kay suspended Bureau of Corrections (BuCor) director-general Gerald Bantag.
Sa kanyang column sa Philippine Star nitong Oktubre 27, sinabi ni Tulfo na tatlong beses itinampok ni Lapid si Bantag ilang araw bago ito masawi.
“In at least three of his commentaries, Lapid called out Bantag for allegedly building a mansion on a salary of a government functionary. In short, there was a motive for Bantag to want to have Lapid silenced.” ani Tulfo.
Matatandaan na sa isang episode ng Lapid Fire nitong Septyembre 6 ay ipinakita ni Lapid ang video ng mga diumano’y ari-arian ni Bantag sa isang exclusive subdivision.
Bilang depensa ay ipinakita naman ni Bantag sa mamamahayag na si Anthony “Ka Tunying” Taberna kung ano nga ba talaga ang totoo sa kanyang mga properties sa Laguna.
Nilinaw nito na ang ‘bahay’ na sinasabi ni Bantag ay nirerentahan lamang niya dahil sa hindi pa niya naipapatayo ang kanyang sariling bahay.
Ipinaliwanag din ni Bantag na kung siya man talaga ang mastermind sa likod ng nangyari kay Lapid ay hinding hindi siya kukuha ng middleman sa loob ng Bilibid dahil sa madami siyang kaaway doon.
Inireklamo din nito ang pagpapangalan sa kanya ng mga otoridad sa 160 na persons of interest sa nangyari kay Lapid.