Hindi naitago ni legendary OPM artist Jim Paredes ang kanyang pagkalungkot sa pagpanaw ng kanyang kasamahan sa APO Hiking Society ng mahigit apat na dekada na si Danny Javier.
Sa kanyang Facebook post, nagbigay ng maiksing tugon si Paredes tungkol sa pagpanaw ni Javier dahil sa heart failure.
“Shattered! River of tears.” ani Paredes.
Matatandaan na na-isyu si Paredes at Javier dahil sa kanilang magkaibang paniniwala noon sa politika.
View this post on Instagram
Kilala kasing tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte si Javier habang si Paredes ay kritiko ng dating alkalde ng Davao City.
Nilinaw naman ni Paredes na hindi sila nagkaroon ng samaan ng loob ni Javier dahil sa magkaiba nilang paniniwala.
“That was then. We have talked sometime ago and we are OK.” ani Paredes.
Nitong 2022 naman ay sumuporta si Javier sa kandidatura ni dating Vice President Leni Robredo at napag-usapan ang reunion ng APO Hiking Society upang suportahan ang natalong kandidato.
Ngunit hindi natuloy ang reunion ng APO dahil narin sa karamdaman nito.
Noong 2011 pa lamang ay humaharap na sa problema sa kalusugan si Javier kaya’t hindi na ito nakapag-perform muli kasama ang mga dati niyang kasamahan.
“Nagkaroon ako ng white light experience. ‘Yung sandali lang, hawak-hawak ko yung kamay ng anak ko. Ang feeling ko, kung saan-saan ako nagpupunta. pumunta akong langit, purgatoryo at saka impyerno,” kwento ni Javier tungkol sa kanyang karanasan noong 2011.
“Pagdating ko sa impyerno, ang daming tao, nakapila. Lahat, mga kaibigan ko. So at home na at home ako,” dagdag pa niya.
Madalas ay makikita na lamang na nagre-reunion ay si Paredes at si Boboyh Garrovillo.