Pumalag ang aktres na si Agot Isidro sa mga netizens na binabatikos siya dahil sa kanyang mga nakaraang post tungkol sa bansang ‘Japan’.
Matatandaan na nitong nakaraang weekend ay kumalat ang ilang ulat na nasa Japan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na napatunayan namang hindi totoo matapos makita ang presidente na kumakain sa isang karinderya sa Ilocos Region.
“Japan Japan. Sagot sa Kahirapan.” ani Agot sa kanyang post nitong Oktubre 30.
Dahil dito ay ilang tagasuporta ni Pangulong Marcos ang sinabing ‘napahiya’ si Agot na itinanggi naman ng aktres.
“Ako? Napahiya? Kayo nga naniwala sa Tallano Gold.” aniya.
Ang Tallano Gold ay isa sa mga sikat na conspiracy theory tungkol sa namayapang dating pangulong Ferdinand Marcos Sr. na hanggang ngayon ay pinaniniwalaan parin ng ilang netizens.
Ang Tallano Gold diumano ay ang mga gold na namana ng mga Marcos na ipamimigay diumano ng nasabing pamilya kung sakali na sila ay manalo muli sa pagkapangulo.
Sa ngayon ay wala pang kahit anong ‘gold’ na naipamimigay simula ng manalo si Pangulong Marcos nitong nakaraang halalan.
Ginagamit din ang Tallano Gold ng ilang grupo upang makapanloko katulad na lamang ng certificate na ipinamigay sa ilang bahagi ng Mindanao noong Hulyo.
Nitong Marso din ay sinabi ni Marcos na hindi pa siya nakakita ng gold bar kaya naman maituturing na hindi totoo ang Tallano Gold.