Humingi ng dispensa ang isang netizen sa isang sikat na online shopping app matapos hindi sinasadyang mapabili ang kanyang anak ng laruan na aabot sa P32,000 ang halaga.
Sa kanyang Facebook post sinabi ni Khar Gatmaitan na dumating na sa kanila ang mga order bago pa nila nalaman ang ginawa ng kanyang anak.
Dahil dito ay nagsulat na lamang ng kanyang promissory note si Gatmaitan upang ipaalam na hindi nila sinasadya na mabili ang mga nasabing laruan.
Mabuti na lamang diumano at madaling kausap ang delivery rider at tinulungan siya na ma-cancel ang mga nasabing order.
“32k po lahat sana ang order nya. Buti mabait c rider at tinulungan nya kami kng pano gagawin. Salamat rider at Lazada sa pagkansela,” sabi ng netizen.
Pinagsabihan naman niya ang kanyang anak na makikitang nakangiti pa sa litrato.
Sa ngayon ay umabot na ng libo libong shares sa social media ang nasabing post.
Pinag-iingat naman ang mga netizens na bantayan mabuti ang kanilang mga anak kapag gumagamit ito ng mga gadget upang maiwasan ang mga aberya katulad nito.
“Dapat talaga di pinapagamit ng phone ang mga bata na wala pa sa wastong gulang. Wag po naten gawin na patupat ang cellphone para tumahimik ang mga bata.” sabi ni netizen Hannah Cacho.
“Aba hindi nakakapagtaka yan. Pinagamit mo ba nmn ang cellphone mo sa anak mo eh tiyak na mangyayari tlga khit pa na 4years old lang yan. Apakadali lang nmn gagawin ng anak mo khit di pa marunong magbasa eh pindut pindut lang yan. Daming bata nga marunong ng gumamit ng cellphone di ga? Kaya walang nakapagtataka jan. Naging pabaya ka lang.” wika naman ni Tawiti Barretto.