HomePoliticsPolitical analyst may payo kay Marcos: "Magalit ka naman paminsan-minsan"

Political analyst may payo kay Marcos: “Magalit ka naman paminsan-minsan”

Nagbigay ng kanyang payo ang political analyst na si Prof. Antonio Contreras kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ito’y sa gitna ng mga pambabatikos na natatanggap ni Marcos sa ilang netizens dahil sa tila hindi nito pagpaparamdam sa masa.

Sa panayam sa kanya ng Politiko, sinabi ni Contreras na dapat ay magpakita si Marcos ng ‘galit’ sa paminsan minsan upang matakot ang mga gumagawa ng masama sa ilalim ng kanyang administrasyon.

“Maging totoo siya sa sarili niya. At uulitin ko yung sinabi ni Senator (Imee) Marcos, magalit ka naman paminsan-minsan. Kailangan yun. Functional ang magalit,” ani Contreras.

Matatandaan na hinimok ni Sen. Marcos noon ang presidente na magpakita ng galit sa mga kurakot na opisyal.

Sinabi rin ni Contreras na tila kalkulado ang bawat galaw at salita ni Marcos upang makaiwas ito sa mga isyu.

“Parang napaka-calculated niya. Less talk, less mistake,” ani Contreras.

Maituturing na malayo si Marcos sa nauna sa kanyang pangulo na si Rodrigo Duterte na kilala sa kanyang paglalabas ng maanghang na pahayag sa mga isyu na kinakaharap niya at ng bansa.

Dahil dito ay ilang political analyst katulad ni Malou Tiquia ang dismayado sa tila hindi pagpaparamdam ni Marcos.

“Hindi ako masyadong satisfied kasi hindi nararamdaman ng taong bayan ang pamahalaan… Noong day 1 pa lang ni President Duterte talagang sinabi niya ang babanggain niya.” ani Tiquia.

“Sinubukan niya yung mga ‘pula’ sa gobyerno, naramdaman kaagad kasi ng taong bayan yung pagkakaiba ni Duterte… hindi ko nararamdaman ang Pangulo [Marcos].” dagdag pa ni Tiquia.

Facebook Comments
RELATED ARTICLES

Most Popular