HomePoliticsPresent si President! Pangulong Bongbong Marcos, nanguna sa situation briefing

Present si President! Pangulong Bongbong Marcos, nanguna sa situation briefing

Pinangunahan ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. ang situation briefing sa Bagyong Karding.

Kasama ni Marcos ang mga miyembro ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa Camp Aguinaldo, Quezon City.

Sa nasabing situational briefing ay inisa-isa ni Marcos ang mga impormasyon tungkol sa kalagayan ng mga iba’t ibang lugar na naapektuhan ng bagyo at kung ano ang mga naging aksyon ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno para tugunan ang pangangailangan ng mga apektado.

Ibinahagi ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Erwin Tulfo na naipamahagi na nila ang mga food packs sa mga evacuation center simula pa kagabi at patuloy parin sila na namimigay ng pagkain sa mga apektadong pantalan.

Hiniling din nito na sana’y makagamit sila ng air asset upang makapagpadala ng tulong sa Polilio Islands na isa sa mga pinaka-naapektuhan ng bagyo.

Sinabi naman ni Tulfo na magiging sapat naman ang suplay ng kanilang pagkain hanggang dalawang linggo para sa mga evacuees kung sakali na hindi kagad sila makauwi.

Hiniling din nito na sana’y magkaroon na ng mga sariling evacuation center ang gobyerno upang hindi na maantala ang pag-aaral ng mga estudyante dahil sa ginagamit parin minsan ang mga eskwelahan bilang pansamantalang tirahan ng mga apektado.

Samantala ay sinabi ng Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos na kahapon pa lamang ay nagawa na ng ilang LGU na ma-evacuate ang mga residente na apektado ng Karding.

Umabot sa 74,000 na katao sa buong Luzon ang na-evacuate.

Sinabi naman ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa pangununa ni Sec. Ivan Uy na sa Ilocos Norte at Quezon Province lamang may naitala na pagkaputol ng komunikasyon.

Ipinag-utos naman ni Marcos sa Department of Energy na siguraduhin na mayroong langis ang mga generator na kanilang ibabahagi sa mga apektadong lugar na walang kuryente.

“Sometimes we forget — we send generators but no fuel. Make sure the generators have fuel. Ganon lang naman kasimple ‘yun.” ani Marcos.

Napatanong din si Marcos kung ang Karding na nga ba ang isa sa mga epekto ng climate change dahil sa bilis ng paglakas ng bagyo.

“Is that the trend, ‘yan na ‘yung climate change? Wala naman tayong ganyan noon. Matagal na tayo nagbabantay ng bagyo, it’s not that… Hindi ganyan.” aniya.

Sa report naman ng Department of Health (DOH) ay wala pa silang nasasagap na ulat ng nasaktan o nasawi sa gitna ng bagyo.

Wala namang mga ospital na kinailangan na i-evacuate ang kanilang mga pasyente.

Naniniwala naman si Marcos na ang maagang preparasyon ng gobyerno bago pa man dumating ang bagyong Karding ay nakatulong sa pagkakaligtas ng maraming buhay.

Hindi pa naman titigil si PBBM na bantayan ang sitwasyon ng bansa.

“It’s not yet over. Hindi tayo mag-stand down. We can stand down when the majority of our evacuees are back home.” aniya.

Facebook Comments
RELATED ARTICLES

Most Popular