Friday, September 30, 2022
HomeCelebritiesBato may biro sa pagkikitang muli ni Robin Padilla at Richard Gomez:...

Bato may biro sa pagkikitang muli ni Robin Padilla at Richard Gomez: “Ako referee nila!”

Ibinahagi ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa ang pagkikita ng dating magkaribal sa showbiz na sina Sen. Robin Padilla at Leyte 4th District Rep. Richard Gomez sa kaarawan ni Pangulong Bongbong Marcos Jr.

“Two actors turned politicians and one actor- actor turned politician.” ani Dela Rosa.

Sa kanyang ibinahaging larawan ay maraming netizen tuloy ang nakaalala sa hidwaan noon ni Padilla at Gomez na umabot sa sukdulan noong 1991 Star Olympics.

Pabiro tuloy sinabi ni Dela Rosa na siya ang magiging referee sa dalawa.

Ang Star Olympics ay isang pagtitipon ng mga kilalang artista kung saan ay nagpapaligsahan ang mga ito sa sports.

Parehong basketball ang piniling laro ni Padilla at Gomez na maituturing na pisikal na laro.

Makikita sa nasabing video na hanggang ngayon ay kumakalat sa social media ang paggamit ng kamao ni Padilla kay Gomez na napanood ng libo libong fans.

Nandoon din sa eksena ang pumanaw na aktor na si Rudy Fernandez na pumapagitna sa dalawa.

Nagumpisa diumano noong 1990 ang hidwaan sa pagitan ni Padilla at Gomez.

Ayon sa kwento ay wala naman diumanong balak sumali sa Star Olympics si Padilla noon na mayroong ginagawang proyekto sa Baguio.

Ngunit ng mabasa ni Padilla ang banat ng karibal niyang aktor sa dyaryo na tinawag siyang ‘lampa’ ay agad itong umalis ng Baguio at pumunta sa mismong Star Olympics para harapin si Gomez.

Ilan din sa mga pinag-uusapan na posibleng dahilan ng away sa pagitan ng dalawa ay si megastar Sharon Cuneta.

“Nagselos ako nung dumalaw si Richard sa set ng pelikula namin.” ayon kay Padilla sa ulat ng isang tabloid.

“Pero huwag na nating pag-usapan pa si Richard, dahil baka sabihin na naman niya, e, ginagamit namin siya sa promo ng pelikula namin ni Ma’am.” dagdag pa niya.

Sa ngayon ay maituturing na tapos na ang hidwaan sa pagitan ng dalawang aktor na ngayon ay matagumpay ng mga politiko.

“Marami kaming hindi pinagkakasunduan ni Richard Gomez lalo sa pag-ibig, sa babae… Pero pagdating sa pag-ibig sa Bayan at sa pagbabago wala akong masasabi sa taong ito kundi matapat at marangal.” ani Padilla sa kanyang liham kay Gomez noong 2016.

Facebook Comments
RELATED ARTICLES

Most Popular