Home Celebrities Tindero ng seafood sa Virgin Island, Panglao sa pagsasara ng isla nila: “Saan namin kukunin pambili ng bigas namin ngayon?

Tindero ng seafood sa Virgin Island, Panglao sa pagsasara ng isla nila: “Saan namin kukunin pambili ng bigas namin ngayon?

0

Binisita ng mismong alkalde ng Panglao sa Bohol ang Virgin Island kung saan nangyari ang diumano’y overpricing sa isang grupo ng turista na siningil ng P26,000 para sa kanilang pagkain doon.

Matatandaan na ibinahagi ni Vilma Uy ang larawan ng resibo ng kanyang kaibigan na kumain sa Virgin Island.

Sa report ng GMA News, makikita ang pagbisita ni Mayor Edgardo Arcay sa nasabing isla at tinignan kung magkano ang presyuhan ng mga paninda doon.

Inamin niya naman na mayroong kamahalan ang mga presyo ng mga paninda sa Virgin Island kaya naman nirekomenda niya sa mga tindero ng pagkain na lagyan ng price tag ang kanilang mga ibinebenta sa mga turista.

“Nakita ko na ang mga presyo ay may kamahalan talaga. Mayroon akong ini-recommend sa kanila na ang kanilang mga paninda, lagyan ng price tag para malaman ng mga turista,” sabi ni Arcay.

Isa naman sa mga tindero ng seafood sa Virgin Island ang nag-aalala ngayon kung paano siya makakabili ng bigas sa kanyang pamilya.

Binibili pa daw nila ang kanilang mga paninda sa sa Panglao at Tagbilaran na ilang kilometro lang ang layo sa Virgin Islands.

“Kung hindi kami magbebenta, saan kami kukuha ng pera pambili ng pagkain ng aming pamilya?” sabi ng isa sa mga tindero.

Sa hiwalay na panayam naman ay sinisi ng alkalde ng Panglao ang nakaraang administrasyon dahil hindi sila umaksyon noon sa mga reklamo ng turista.

Kinakausap na niya ngayon ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno at ang mga nakikinabang sa turismo sa Panglao upang bumuo ng isang win-win solution para sa isyu.

Ibinahagi din nito na nakausap na niya ang mismong nagtinda ng seafood sa kaibigan ni Uy at sinabi na madami naman daw inorder ang grupo nito.

Sana rin daw ang kumuha ng litrato ang grupo noong hindi pa nila nababawasan ang kanilang order dahil sa nagmukha itong kaunti at hindi sulit.

Ayon din sa alkalde ng Panglao ay nagkakaroon ng bigayan ng komisyon sa naturang isla at may nangungubra pa diumanong opisyal ng DENR kaya’t lumolobo lalo ang presyo ng pagkain doon.

 

Facebook Comments