HomeCelebritiesMike Abe ng SMNI, nag-walkout ng live matapos hindi magustuhan ang sinabi...

Mike Abe ng SMNI, nag-walkout ng live matapos hindi magustuhan ang sinabi ni Pastor Apollo Quiboloy

Nag-walkout sa live television ang beteranong mamamahayag ng Sonshine Media Network International (SMNI)  na si Mike Abe sa gitna ng diskusyon nila ng kanyang boss na si Pastor Apollo Quiboloy tungkol sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos Jr.

Nitong Hulyo 26, makikita na pinag-uusapan nila Quiboloy at Abe ang mga sinabi ni Marcos sa kanyang unang SONA.

Sa nasabing programa ay mahahalata na magkasalungat ang opinyon ng mamamahayag at ng pastor tungkol sa mga sinabi ni Marcos.

Ayon kasi kay Abe na isang tagasuporta ni Marcos ay marami siya diumanong nakitang magandang plano ng kasalukuyang pangulo para bayan.

Ngunit sagot naman ni Quiboloy ay wala naman diumanong silbi ang mga plano ni Marcos kung hindi mapupuksa ang rebelyon na nangyayari sa bansa.

Naniniwala si Quiboloy na mahalaga sanang nabanggit ito ni Marcos bilang babala sa mga rebeldeng grupo at upang malaman ng publiko na ipagpapatuloy ng kasalukuyang pangulo ang nasimulan ni dating presidente Rodrigo Duterte.

Dito na biglang nagpasalamat si Abe kay Quiboloy at sinabi na aalis na lamang siya sa nasabing istasyon.

“Maraming salamat sa mga sinabi mo, ako po ay 15 years na dito sa SMNI ako po ay nagpapasalamat sa pagkakataon at tiwala na ipinagkaloob niyo sa akin,” ani Abe.

“Ito po ay aking ipagpapasalamat habambuhay na akin pong pinasasalamatan ‘yan pero dahil diyan, pasensya ka na pero ito na ang aking last day sa SMNI. Maraming maraming salamat po,” dagdag niya pa.

“Marami pong salamat, ba-bye po,” 

Matapos ng kanyang mensahe ay tinanggal na ni Abe ang kanyang mikropono at umalis na sa kanyang kinauupuan.

Makikita naman sa background na tila pinapakalma ni Quiboloy si Abe ngunit hindi na nito napigilan pa ang mamamahayag na umalis sa programa.

Agad namang naglabas ng kanyang tugon si Quiboloy na mahahalatang dismayado sa ginawa ni Abe sa live television.

Ayon sa kanya ay tila pinahiya siya ni Abe sa mga manonood.

“Hindi niyo pwedeng gamitin ang SMNI para sa sarili niyong opinyon na hindi na objective, hindi pwede sa SMNI ‘yun,” pagdidiin ni Quiboloy.

Sinabi rin ni Quiboloy na dapat igalang siya ni Abe dahil sa siya ang may-ari ng SMNI.

Facebook Comments
RELATED ARTICLES

Most Popular