Home Social Media Doktor na suspek sa pagpaslang sa Mayor ng Lamitan, nagsalita: “Ilang beses akong humingi ng tulong”

Doktor na suspek sa pagpaslang sa Mayor ng Lamitan, nagsalita: “Ilang beses akong humingi ng tulong”

0

Iniharap sa media ang doktor na suspek sa nangyaring pag-atake sa Ateneo de Manila nitong Hulyo 24 kung saan ay nasawi ang dating alkalde ng Lamitan City, Basilan na si Rose Furigay.

Sa kanyang pagharap sa media, sinabi ni Dr. Chao Tiao Yumol na ilang beses siyang sinubukan patahimikin ng pamilya Furigay dahil sa kanyang mga akusasyon ng korapsyon.

Si Yumol ay isa sa mga nagsampa ng reklamo laban sa mga Furigay dahil sa diumano’y ginagawa nilang mga iligal na gawain sa kanilang siyudad na isinumbong niya noon sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).

Ayon sa kanya ay ilang beses siyang humingi ng tulong gamit ang social media dahil sa pangigipit na ginagawa sa kanya ng pamilya Furigay ngunit hindi ito masyadong napansin.

“Tatlong beses akong pina-ambush ng pamilyang ‘to. ‘Pag pumunta kayo sa social media ko makikita niyo ilang beses akong humingi ng tulong,” ani Yumol.

Wala pang tugon ang pamilya Furigay sa mga akusasyon sa kanila ng doktor.

Si Yumol ay nakilala sa social media noon dahil sa kanyang pagbibigay ng libreng serbisyo medikal sa mga mahihirap na pamilya sa Lamitan.

Kaya naman hindi maiwasan ng ilang netizens na kampihan ang doktor na tila inilagay na lamang ang batas sa kanyang kamay dahil sa wala na siyang makitang iba pang solusyon.

Ngunit may ilan na sinabi na mali parin ang ginawa ng doktor lalo na’t mayroon ng mga nadamay na inosente sa kanyang ginawa.

Sa ngayon ay haharap sa patong patong na reklamo si Yumol dahil sa kanyang ginawa.

Facebook Comments