Inulan ng batikos sa social media ang isang segment sa top-rated magazine show na Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) tungkol sa magkapitbahay na iba ang sinuportahang kandidato ngayong eleksyon 2022.
Sa isa kasing eksena ng ‘Bahay Mo Bato” episode ng KMJS ay makikita si Soho sa chroma background na tila nakaapak sa tarpaulin ni presumptive president Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr at presumptive vice president Sara Duterte.
Hindi naman naiwasan ng ilang mga netizens na punahin ang nasabing eksena lalo na’t matatandaan na inakusahan ng kampo ni BBM ang tanyag na mamamahayag ng pagiging anti-Marcos.
READ MORE: BBM ipinaliwanag ang hindi niya pagpayag sa panayam ni Jessica Soho: “Anti-Marcos siya”
Agad naman na naglabas ng pahayag ang KMJS at nilinaw na hindi nila sinasadya ang nangyaring placement ng paa ni Soho sa mukha ni Marcos.
Nangako naman sila na mas pahihigpitin ang kanilang pagproseso ng mga ibinabahaging content sa social media upang hindi na maulit ang nangyari.
“Nakarating sa aming kaalaman ang puna sa pagkaka-layout ng spiels sa isang segment ng Kapuso Mo, Jessica Soho na umere nitong nakaraang Linggo. Kinuhanan ng camera si Jessica Soho sa harap ng chroma background o green screen para sa kanyang spiels. Wala po siyang kinalaman kung paano ni-layout ang graphics at imahe niya sa pag-edit.” ayon sa pahayag ng KMJS.
“Humihingi po kami ng paumanhin sa insidenteng ito. Nire-review namin ang aming proseso upang maiwasan ang ganitong mga pangyayari. Naka-upload na rin ang nirebisang layout ng spiels. Makakaasa kayong mananatiling tapat ang KMJS sa paghahatid ng makabuluhan at patas na mga kuwento. Maraming salamat po.” dagdag pa nila.
