Ibinahagi ni Robin Padilla sa proklamasyon niya bilang senator-elect nitong Miyerkules, Mayo 18 ang kanyang misyon na isulong ang pederalismo o charter change sa bansa.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Padilla na ang pangunguna niya sa halalan sa pagkasenador kung saan nakakuha siya ng 26-M na boto ay nangangahulugan lamang na gusto na ng publiko na palitan ang sistema ng bansa.
“Ang tangi ko pong hiling ngayon… Iyong 26-plus million na bumoto po sa akin, naniniwala po sila sa aking plataporma — at iyon po ang reporma sa ating Saligang Batas. Hinihingi ko po sa inyo, mga kapatid ko sa Senado, atin bong bigyan ng pagkakataon ang reporma. Hinihingi na po ito. Ang nakaparaming patungkol sa suweldo, trabaho, edukasyon — lahat po ‘yan nakasalalay kung atin pong haharapin ang reporma sa ating Saligang Batas,” sabi ni Padilla.
Naniniwala naman siya na nagkaisa ang mga Kristiyano at Muslim upang maipanalo siya.
Mula 1995 ay si Robin Padilla pa lamang ang Muslim na naihalal ng bayan bilang senador.
“Ang akin pong pagkapanalo ay isa pong simbolo ng pagkakaisa ng mga Muslim at Kristyano. Sa loob po ng matagal na panahon — halos umabot sa 30 taon — wala pong Muslim na naging senador. Sa akin pong mga pinuntahan mga sortie, rally, ako po ay nakiusap sa ating mga kababyaan, na sana mabigyan niyo po ng pagkakataon ang inyong mga kapatid na muling magkaroon ng representasyon sa Senado. At inyo pong binigyan ng pakakataon ang inyong mga kapatid,” wika niya.
Bago niya tapusin ang kanyang talumpati ay ibinahagi niya rin ang isang maiksing bahagi ng kanyang palaging kinakanta sa mga rally na “Wonderful Tonight” na likha ni Eric Clapton.
“Bilang panghuling salita, gusto ko pong malaman niyo, ‘It’s late in the evening, I feel wonderful tonight.’” sabi ng susunod na senador.
Kasama ni Padilla ang ilang kaalyado niya na sina Sen. Christopher “Bong” Go at Philip Salvador.