Home Politics Rowena Guanzon sa mga Kakampink: “Hindi puwedeng kontra lang nang kontra”

Rowena Guanzon sa mga Kakampink: “Hindi puwedeng kontra lang nang kontra”

0

Pinaalalahanan ni dating Commission on Elections (COMELEC) commissioner at incoming P3PWD party-list Rep. Rowena Guanzon ang mga Kakampinks na hindi lahat ng oras ay kailangan siyang makipag ‘bardagulan’ o makipagtalo sa mga magiging kasamahan niya sa kongreso.

Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Guanzon na kailangan din niyang makisama sa mga kongresista katulad nila Majority Leader Martin Romualdez upang maisakatuparan niya ang kanyang mga adbokasiya para sa mga PWD.

“Mga anak, wala tayong mapapasang batas and budget para sa mga PWD kung hindi tayo magtratrabaho with them. Hindi puwedeng kontra lang nang kontra.” ani Guanzon.

“Suportahan natin ang magagandang programa pero hindi magdadalawang isip na batikusin ang mali,” dagdag niya pa.

Nilinaw din ni Guanzon na wala siyang utang na loob sa kahit sinong politiko sa kongreso kaya’t makakaasa ang mga bumoto sa kanya na magsisilbi siya para sa nire-representa niyang sektor.

Matatandaan na inulan ng batikos si Guanzon sa Twitter dahil sa kanyang mga litrato kasama si Romualdez at incoming Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos.

Kilalang kritiko si Guanzon ng mga Marcos noong kampanya kaya naman nabansagan siyang ‘bardagulan queen’ ng mga Kakampink.

Hindi naman daw niya babawiin ang mga nasabi niya sa presumptive president Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Facebook Comments