Hiniling ni presidential candidate at Manila City Mayor Isko Moreno sa kanyang mga tagasuporta na tanggapin na ang resulta ng halalan.
Buong ngiting tinanggap ni Moreno ang kanyang pagkatalo at makikita naman ito habang sinasambit ang kanyang mensahe sa mga tagasuporta niya.
Sa kanyang pahayag, humiling ng pagkakaisa si Moreno sa kanyang mga tagasuporta at huwag gayahin ang ilang grupo na nagpo-protesta ngayon matapos matalo ang kanilang pambato.
“Tayo na mga mamamayan ay may responsibilidad na suportahan, tumulong, at makiisa sa mga gawain, layunin, ng susunod na administrasyon. ‘Wag tayo, ako ay nanawagan, ‘wag tayo makikibahagi sa ano mang gulo, ano mang alingasngas, o ano mang hindi pagkakasunduan,” sabi ni Moreno sa kanyang Facebook post.
“We have to give chance to a new leadership. Opo. Kailangan tayo bilang mamayan para magtagumpay ang ating bansa, kailangan tayo ay nakikisa. Sapagkat, mga kababayan, uulitin ko, tayo ay iisang bangka lamang,” dagdag niya pa.
Sinabi ito ni Moreno sa gitna ng mga protesta na isinasagawa ng ilang grupo na hindi matanggap ang pagkapanalo ni presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Matatandaan na nakakuha ng 1,887,120 na boto si Moreno ngayong halalan habang ang nangunguna ngayon si Marcos na mayroong 31,033,854 na boto.
Pinuri naman ng kampo ni Marcos ang pahayag ni Moreno.
“Moreno’s call for respect of the election results, appeal for the people not to join any disturbance, unity and support for those chosen by the electorate, is highly commendable and shows his quality of statemanship and genuine patriotism,” sabi ni Atty. Vic Rodriguez, tagapagsalita ni Marcos.