Home Celebrities Robin Padilla sa pangunguna niya: “Hindi po ito tagumpay ni Robin Padilla. Tagumpay po ito ng reporma.”

Robin Padilla sa pangunguna niya: “Hindi po ito tagumpay ni Robin Padilla. Tagumpay po ito ng reporma.”

0

Naniniwala si Robin Padilla na ang kanyang pangunguna sa bilangan sa pagkasenador ngayong halalan ay hindi niya tagumpay kundi tagumpay ng pagsusulong ng Federalism sa bansa.

Nagpasalamat din si Padilla sa mga nagtiwala sa kanya.

“Ang pakiramdam ko po ay masaya, pero mas dama ko po ‘yung responsibilidad na nakaakibat sa atin ngayon sapagkat alam ko naman po na ang tagumpay na ito ay hindi patungkol kay Robin Padilla, tagumpay po ito ng reporma,” ani Robin sa panayam sa kanya ni Jessica Soho.

Inamin naman naman ng aktor na ikinagulat niya rin ang kanyang pangunguna sa mga tumatakbong senador.

“Wala po akong inaasahan na kahit ano, unang una wala po akong kahit ano, wala akong makinarya, wala akong kahit ano, pera wala po tayo niyan.. Hindi ko po inaasahan to,” wika niya.

“Ang akin lamang po ay paninindigan, ang akin lamang po ay pananalig ko sa Panginoong Diyos,” dagdag niya pa.

Naniniwala si Padilla na ang kanyang pangunguna sa bilangan ay nagpapatunay lamang na sinusuportahan ng tao ang kanyang adbokasiya na pagbabago ng saligang batas.

Hindi rin siya naniniwala na nanalo siya dahil sa kanyang kasikatan bilang aktor.

“Kapag hindi nagbago yung trend at ako ay nanatili sa pagiging number one, isa lang po ang ibig sabihin non. Ang tao gusto na talaga ng federalism at ‘yan po ang napakalaking hamon sa lahat po ng mga senador na mananalo po magmula sa akin,” aniya.

“Ang naging number one po dito ay yung kagustuhan ng taong-bayan na palitan na po natin ang Saligang Batas, ‘yun po ang aking pinaniniwalaan. Yun po ang gusto ng taong-bayan. Hindi po ako, ang gusto po nila ay yung plataporma na ibigay ang kapangyarihan sa mga lalawigan,” dagdag niya pa.

Sa ngayon ay nakakuha na ng 24,010,135 na boto si Padilla.

Facebook Comments