Naglabas ng pahayag si presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa gitna ng kanyang pangunguna sa halalan 2022.
Nitong Lunes, May 9 sinabi ni Marcos na hindi pa tapos ang botohan at kailangan parin magbantay ng mga Pilipino sa bilangan.
Nagpasalamat naman ang posibleng susunod na presidente ng bansa sa sumuporta sa kanya sa loob ng ilang buwan nilang kampanya at naniniwala sa kanyang kagustuhan na pagkakaisa.
“I want to thank you for all that you have done for us,” ani Marcos.
Hinimok naman ni Marcos ang mga Pilipino na huwag munang magdiwang dahil hindi pa talaga tapos ang bilangan.
“Hindi pa tapos ang bilangan, maraming nagsasabi na tapos na pero hindi pa talaga kaya hintayin natin na maliwanag na maliwanag na mag 100% ang pagbilang,” wika ni Marcos.
“Ngunit hindi pa tapos ang pagbibilang hindi makapaghintay ang pasasalamat ko sa inyong lahat,” dagdag pa niya.
Inaasahan naman ni Marcos ang tulong ng mga Pilipino kung sakali na siya nga ang manalo sa pagkapangulo.
“Sana ang tiwala niyo ay hindi magsawa, marami po tayong gagawin sa ating hinaharap,” sabi pa ni Marcos.
Sa ngayon ay umabot na ng 25,914,360 ang boto na natatanggap ni Marcos.
Halos doble ang lamang niya sa katunggali niya na si presidential candidate Leni Robredo.