Home Social Media Kahit sa Ilocos ganapin! Kampo ni Robredo, hahayaan si Marcos na magdesisyon tungkol sa 1-on-1 debate nila

Kahit sa Ilocos ganapin! Kampo ni Robredo, hahayaan si Marcos na magdesisyon tungkol sa 1-on-1 debate nila

0

Handa ang kampo ni presidential candidate Leni Robredo na hayaan ang kanyang katunggali na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magdesisyon kung sakali na pumayag ito sa hamon nilang one-on-one debate.

Sa pahayag ni Barry Gutierrez, spokesman ni Robredo ay papayag sila na si Marcos ang magdesisyon kung kailan at saan gaganapin ang debate.

Kahit na sa Ilocos Norte na balwarte ni Marcos ay handa diumano ang kampo ni Robredo na pumunta matuloy lamang ang debate.

Ito’y kahit na tinanggihan na ng kampo ni Marcos ang hamon ni Robredo sa kanila.

“So kung sabihin ni Mr. Marcos ‘hindi ako kumportable kahit saan, dito tayo sa Ilocos. Papayag si VP Leni. Kung sabihin ni Bongbong Marcos, ‘kumportable lang ako kung moderator si ganito.’ Papayag si VP Leni,” sabi ni Gutierrez sa panayam ng ABS-CBN.

“Kase si VP Leni handang humarap kahit kailan, kahit saan, kahit kanino. Dahil yan ang presidente.” dagdag niya pa.

Ang pagtanggi daw ni Marcos sa debate ni Robredo ay maaring magdulot ng pagdududa sa mga botante sa kakayahan ng dating senador.

“Parang may sinasabi yun tungkol doon sa klase, at sa kakayahan ng taong haharap kung kailangan pala ng isang presidente na meron siyang kodigo, meron siyang adviser, meron siyang tagabulong sa tenga, eh may sinasabi din yun tungkol sa anong klasing leader siya magiging,” sabi pa ng tagapagsalita.

Sinabi pa ng kampo ni Robredo na kung wala itong itinatago ay dapat hindi ito umatras sa hamon nilang debate.

“Kapag ikaw ay pangulo, hindi ka pwede umiwas sa problema. Hindi ka pwedeng umiwas sa mga mabibigat na mga issue na hinaharap ng ating bansa dahil yan ang magiging trabaho mo,” wika niya.

Matatandaan na sinabi ng kampo ni Marcos na ibubuhos na lamang nila ang huling araw ng kampanya sa pakikipagusap sa publiko.

“Positibong pangangampanya at walang paninira ang gabay ng UniTeam ni Bongbong Marcos. At derecho sa taumbayan ang mga mensahe nito at ang panawagan ng pagkakisa. Pawang mga negatibo, panlilinlang at paninira naman ang sa kampo ng dilawan.” ani Atty Vic Rodriguez, tagapagsalita ni Marcos.

“Sa debate na hamon kay presidential frontrunner Bongbong Marcos ay hindi ito kailanman mangyayari sa ilang kadahilanan. At batid ni Ginang Robredo ang mga kadahilanang ‘yan,” sabi niya pa.

Facebook Comments