Friday, September 30, 2022
HomeUncategorizedSen. Bato, PAGCOR nagtalo dahil sa suspensyon ng e-sabong: "Ginawa mo pa...

Sen. Bato, PAGCOR nagtalo dahil sa suspensyon ng e-sabong: “Ginawa mo pa akong sinungaling!”

Mainit ang naging sagutan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) CEO Andrea Domingo sa gitna ng imbestigasyon ng senado sa pagkawala ng 34 na sabungero.

Nagtalo ang dalawa dahil sa kagustuhan ng senado na suspendihin muna ang e-sabong habang iniimbestigahan ang pagkawala ng mga sabungero.

Ayon kasi kay Dela Rosa ay pumayag na si Pangulong Duterte na isara na muna ang nasabing sugal.

Ngunit ipinaliwanag ni Domingo na itinanggi diumano sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte na pumayag na siyang itigil muna ang online sabong.

“So ako ngayon ang sinungaling, na ako mismo ang kausap ni Presidente, sinabihan ako niya ng ‘Sige, sige sige’. O Ako ngayon ang sinungaling?” tanong ni Dela Rosa na siyang chairman ng kumite.

“Ibig sabihin si Secretary Medialdea would like to make me appear na being the chairman of this committee and personally nagsabi kay Presidente, ako ngayon ang sinungaling?” dagdag niya pa.

Depensa naman ni Domingo, inulit niya lamang ang sinabi sa kanya ni Medialdea.

“Ay hindi ko po alam kung ano ang nangyari sa inyo. Pero yun po ang sinabi ko kasi kami namin po, hindi po kami pwedeng… dahil ordinaryong empleyado lang po kami. Wala po kaming powers e.” paliwanag ni Domingo.

Reklamo pa ni Domingo ay para daw inuutusan ni Dela Rosa ang PAGCOR na isara ang sabong.

Pero tugon naman ni Dela Rosa, paano niya mauutusan ang nasabing ahensya kung nasa ilalim ito ng executive branch ng gobyerno.

“Kaya nga sinasabi ko pag may gusto, may paraan, kung ayaw maraming dahilan,” komento ni Dela Rosa.

Tila lalo pang nag init si Dela Rosa matapos isisi ni Domingo sa mga law enforcer ang pagkawala ng mga sabungero.

“Ayun na, pinapasa na natin yung problema e. Pinapasa mo na naman sa law enforcement agency. Kayo nga ang may primary juridiction over e-sabong, ngayon ayaw nyong i-suspend. Kung may mawala na namang tao ipasa sa law enforcement. So pasahan na tayo dito…we’re passing the buck.” saad ni Dela Rosa.

“Sino po ang mag iimbestiga at manghuhuli, kami po?” tugon ni Domingo.

“Hindi nga kayo ang nanghuhuli but you’re the one regulating. Pano sila makaka operate kung wala silang license to operate galing sa inyo? Kayo ang nagbibigay,” sagot naman ni Dela Rosa.

Dahil dito ay hindi napigilan mapatanong ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III kung ayaw ba ni Domingo na masuspende ang online sabong.

Nilinaw naman ni Domingo na hindi siya kontra sa pagsuspende ng e-sabong ngunit humihingi siya ng proteksyon dahil maari siyang kasuhan ng mga maapektuhan na e-sabong firms.

“Magre-retire na po kasi ako e. Ayoko pong magkautang ng bilyon bilyon kaya po tatanungin ko sya, pag sinabi lang kahit verbal lang, isuspende mo , isu-suspende po namin,” sabi ni Domingo.

Sa ngayon ay wala pang komento si Pangulong Duterte kung isusupinde niya nga ba ang e-sabong.

Facebook Comments
RELATED ARTICLES

Most Popular