Wednesday, October 5, 2022
HomePoliticsKa Leody, pinag-aaralan ang pagsasampa ng kaso dahil napupunta sa website ni...

Ka Leody, pinag-aaralan ang pagsasampa ng kaso dahil napupunta sa website ni BBM ang ‘kaleody.com’

Pinag aaralan ni presidential candidate Leody De Guzman ang pagsasampa ng demanda laban sa diumano’y gumawa ng website na hango sa pangalan niya.

Ang nasabi kasing website na kaleody.com, napupunta sa website ni presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“Pinag-aaralan na natin ang paghahain ng kaso laban sa mga may pakana ng domain grabbing. May ebidensya na tayo ng pag-redirect mula sa kaleody.com tungo sa bongbongmarcos.com,” ani de Guzman sa kanyang pahayag nitong Huwebes, Pebrero 24.

Ayon sa kanila ay pananabotahe ang ginawa ng may-ari ng nasabing website na diumano’y gustong dalhin ang mga netizens na interesado sa kanya kay Marcos.

“Malinaw na ang intensyon ng ganitong ‘dirty tricks’ ay lumikha ng kalituhan sa mga botante at manabotahe ng kampanya ng iba,” ani De Guzman.

“Inaasahan nating marumi ang eleksyon ng mga elitista’t tradisyunal na partido, ngunit hindi ko inakalang pati pangalan ko pala ay magagawa nilang nakawin. Wala silang patawad, lahat na lang ay kanilang inaangkin,” dagdag niya pa.

Naniniwala naman ang ka-tandem ni De Guzman na si dating Akbayan representative Walden Bello na delikado ang ginagawang ito ng nasabing mga posibleng tagasuporta ni Marcos.

“Nanawagan ako sa awtoridad na imbestigahan ang pangyayari. Humanda sila’t hindi natin tatantanan sa ganitong kawalang-hiyaan!” sabi ng kandidato.

Nilinaw naman ng kampo ni De Guzman na ang totoong website nila ay kaleody.org at hindi .com.

Sa ngayon ay wala pang pahayag ang kampo ni BBM tungkol sa akusasyon laban sa kanila.

Hindi pa malaman kung sino ang nagmamay-ari ng nasabing website na ginawa lamang nitong Pebrero 23.

 

Facebook Comments
RELATED ARTICLES

Most Popular