Friday, September 30, 2022
HomeCelebritiesCristy Fermin hindi hihingi ng 'sorry' kay Dawn Chang: Hinusgahan na po...

Cristy Fermin hindi hihingi ng ‘sorry’ kay Dawn Chang: Hinusgahan na po nila agad ako

Tila malabo ng makatanggap ng ‘sorry’ ang ABS-CBN dancer na si Dawn Chang mula sa beteranang kolumnista na si Cristy Fermin.

Sa kanyang programa na Cristy Ferminute ay sinabi ni Nay Cristy na hindi niya ibibigay ang hinihinging public apology ng kampo ni Dawn kahit na siya ay kasuhan ng mga ito.

Matatandaan na binigyan ng hanggang February 16 ang batikan na kolumnista na humingi ng tawad kay Dawn gamit ang mga pahayagan dahil sa sinabi nito na nakikipagrelasyon ang dancer sa kanyang mga boss sa ABS-CBN.

READ MORE: Cristy Fermin may prangkang mensahe kay Dawn Chang: Wala kang mararating kung di ka nakipag-ano sa mga boss mo.

Kasama ang kanyang abogado na si Atty. Ferdinand Topacio, sinabi ni Cristy na lahat na sanay na siyang kasuhan ng mga artista sa 30 taon niyang pagta-trabaho sa showbiz.

Pero hindi naitago ni Cristy ang sama ng loob niya sa abogado ni Dawn na si Atty. Rafael Vicente Calinisan na matatandaan na binatikos siya.

“Sa trabaho po namin, walang kasong kaakibat kundi libelo, mula po noon hanggang ngayon ay hindi po ako bumabawi ng anumang sinasabi ko, hindi po ako nagbibigay ng public apology sa anumang sinusulat ko dahil para po sa akin ‘yung pinaghirapan kong tatlong dekada ng kredibilidad ay hindi ko po ipananakaw.” ani Cristy.

“Pero mayroon palang pagkakataon na may maeengkuwentro kayo na isang isyu o kaso na hindi pa man kami naghaharap sa piskalya hinusgahan na po agad ang aking pagkatao. Tinawag po akong sinungaling, duwag, nakakahiya, bastos, at kung anu-ano pa pong mga salita laban sa akin. Gusto ko pong hingin ang masasabi ng isang magiting na abogado at para malaman lahat ang terminong legal at siya rin po ang aking abogado sa isasampa kuno ng isang dancer,” dagdag pa nito.

Sinabi naman ni Topacio na napadala na nila ang demand letter kay Calinisan kung saan ay hinihiling nila na humingi ng tawad ang abogado sa mga nasabi niya laban sa kolumnista.

“Dapat ang pakikitungo mo sa kahit doon sa kalaban ng kliyente ay magalang at maayos hindi palapastangan na dapat tandaan ang nag-aaway ay ‘yung kliyente ninyo at ‘yung kabilang panig.  Hindi ikaw ang kalaban ng kalaban ng kliyente mo at hindi kayo magkalaban nu’ng kabilang abogado,” paliwanag ni Topacio.

Nilinaw naman ni Cristy na hindi niya talaga kilala si Dawn at hindi niya man lang ito kailanganman binigyan ng panahon para sulatan ng column.

Wala naman daw balak i-atras ni Cristy ang kaso laban kay Calinisan kung sakali na hindi ito humingi ng tawad sa kanya.

Wala pang sagot ang kampo ni Dawn sa aksyon laban sa kanila ni Cristy.

Facebook Comments
RELATED ARTICLES

Most Popular