Maaring maharap ngayon sa paglabag sa health protocol ang aktor na si Arjo Atayde matapos itong umalis ng Baguio City ng walang paalam kahit na positibo ito sa nakakahawang sakit.
Ayon kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong ay nanatili si Arjo at ang kanyang grupo sa kanilang siyudad para sa kanilang upcoming film na ngayon ay ipapatigil na dahil sa nangyari.
Sabi pa ni Magalong ay madaming hindi tinupad ang grupo ni Arjo sa kanila, katulad na lamang ng monthly testing at hindi pag alis sa kanilang bubble.
“Nag-positive yung isang grupo na nagsu-shooting dito, yung grupo nila Mr. Atayde. They committed to us na magkakaroon sila ng bubble, pero di nangyari. Nagkataon pala na may mga tao sila na umuuwi sa lugar, at pagbalik, hindi nagtri-triage.” ani Magalong.
“Tapos yung monthly testing na commitment nila, hindi nagawa,” dagdag niya pa.
Nakausap naman niya si Arjo sa pamamagitan ng text message at ang dahilan nito ay ‘asymtomatic’ naman daw siya.
“Positive siya. Kaya lang bigla siya umalis kahapon without our knowledge, claiming na siya lang daw ang asymptomatic.
“At yung mga kasama niya, asymptomatic, iniwanan na lang niya…”
“May potential na puwede siya maka-infect ng iba dahil sa ginawa niya.
“I’m in touch with him. Binibigyan ko lang siya ng instructions na, ‘Make sure na lahat ng tao mo walang lalabas, walang aalis.’
“Only to find out na iniwanan na pala niya at nakaalis na siya.” saad niya.
Dahil dito ay lalo ng maghihigpit si Magalong at maaring hindi na muna siya tumanggap ng mga gustong mag film sa Baguio.
“At this time, talagang maghihigpit na kami,” pahayag ni Magalong.
Hindi pa nagbibigay ng opisyal na pahayag si Arjo at ang bumubuo ng nasabing pelikula.
Nakilala si Arjo sa kanyang role bilang kontrabida sa ‘Ang Probinsiyano’.
Siya rin ang kasalukuyang nobyo ng celebrity na si Maine Mendoza.