Viral ngayon sa social media ang video kung saan makikita ang isang banyaga na tumakbo ng hubo’t hubad sa riles ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).
Sa video na ibinahagi ni Panda Preecs sa Facebook ay makikita ang isang empleyado ng MRT-3 Boni Station habang hinahabol ang nasabing lalaki na hindi parin pinapangalanan ng mga otoridad hanggang ngayon.
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary Eymard Eje ay mga bandang 5:35 a.m pumasok ng istasyon ang nasabing banyaga.
Habang dumadaan daw ito sa security procedures na normal namang ginagawa sa bawat pasahero ng MRT-3 ay bigla na lamang daw naghubad ang lalaki at tumalon sa riles ng istasyon.
“Four station security personnel in Boni [Ave. Station] chased the said passenger and alerted security personnel at Shaw Boulevard station,” ani Eje.
Makalipas ng ilang minutong habulan ay matagumpay na naibalik ang banyaga sa Boni Station kung saan siya inimbistigahan.
Haharap sa kasong alarms and scandal ang nasabing banyaga.
Hanggang ngayon ay hindi pa malaman ang totoong dahilan kung bakit naghubad ang nasabing lalaki.
Kutob ng ilang netizen ay may sakit sa pag iisip ang nasabing banyaga, ngunit hindi pa ito kinukumpirma ng mga otoridad.
May ilang netizen naman ang ginawang katatawanan ang nangyari at tinawag na ‘Titan’ ang banyaga na hango sa isang sikat na anime.