Matapos mapatalsik bilang Presidente ng PDP-Laban ay naglabas ng pahayag si Senador Manny Pacquiao na ngayo’y abala sa kanyang paghahanda para sa boxing match niya laban kay Errol Spence Jr.
Sa nasabing pahayag ay sinabi ni Pacquiao na siya’y nalulungkot dahil sa inuuna parin ng ilang miyembro ng partido ang pamumulitika imbis na asikasuhin nalang nila ang kumakalat na sakit sa Pilipinas.
“Nakakalungkot na nakapasok na ang Delta variant sa Pilipinas at kapag hindi maagapan, marami ang maaaring mahawa. Ito dapat ang prioridad ng ating gobyerno,” ani Pacquiao.
“Kung sa tingin nila Cusi at iba pa na mas importante ang politika sa ngayon, bahala na sila. Sa huli, isa lang naman ang tanong na dapat sagutin. Sino ba ang sasamahan ng taong bayan?” dagdag niya pa.
Matatandaan na nitong Sabado, July 17 ay iniluklok bilang bagong Presidente ng PDP-Laban si Energy Secretary Alfonso Cusi na matinding karibal ni Pacquiao sa nasabing partido.
Pinalitan din nila lahat ng opisyal ng nasabing partido.
Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na chairman ng partido ang naguna sa nasabing pagpupulong.
Ayon sa kanya ay nagtataka siya kung bakit naging acting president ng partido si Pacquiao sa pamamagitan ni Sen. Koko Pimentel.
“I do not know what prompted him to just push Pacquiao there as the acting president. You cannot push someone as an acting president, you have to elect,” ani Duterte.
Nag umpisa ang gulo sa partido ng bigla na lamang maging kritikal si Pacquiao sa gobyerno.
Bago ito umalis ng Pilipinas ay nag presenta pa ito ng mga ebidensiya ng diumano’y korapsyon na nangyayari sa kasalukuyang administrasyon.