Nagsalita na ang isa sa mga babae na idinadawit sa isyu ng hiwalayan ng celebrity couple na si Aljur Abrenica at Kylie Padilla.
Sa panayam sa kanya ng talent manager at vlogger na si Ogie Diaz ay mariing itinanggi ng aktres na si Maika Rivera na mayroon silang relasyon ni Aljur.
“Never. Hindi ko po gagawin yun. To be honest, kung bakit ako yung natuturong third party, hindi ko talaga alam kung saan nanggagaling yun,” ani Maika na naging kasamahan ni Aljur sa palabas na Sandugo.
Ayon sa kanya ay isa sa mga kutob niya na dahilan kung bakit siya tinuturong ‘kabit’ ni Aljur ay dahil sa kanyang komento noon sa Instagram ng aktor.
“Ang naisip ko lang po, nag-comment ako sa isang post ni Aljur. And Kapampangan pa po yung comment ko about yung earrings niya. Sabi ko, ‘Kuya, ang ganda ng tingga mo.'” kwento ni Maika.
“From there, nag-comment na at nag-speculate, and then pumutok yung issue. But I can honestly say with my whole heart na hindi po ako yung third party.” dagdag niya pa.
Sinabi niya pa na mataas ang respeto niya sa asawa ni Aljur na si Kylie.
Matagal nadin daw silang hindi nag uusap ni Aljur at ang huling pagkikita nila ay kasama pa nito si Kylie.
Hindi si Maika ang unang babae na pinaghinalaan ng mga netizens na dahilan ng paghihiwalay ni Kylie at Aljur.
Noong nakaraang araw lamang ay kumalat ang mga larawan ni Aljur kasama ang katambal niya sa pelikulang Nerisa na si Cindy Miranda.
Itinanggi din ni Cindy na may relasyon sila ni Aljur.
Matatandaan na sinabi ng ama ni Kylie na si Robin Padilla na ‘babae’ ang dahilan kung bakit naghiwalay ang anak niya at si Aljur.