Home Social Media 95-anyos na lola na nasunog ang kanyang inipon na 14,000, natulungan na

95-anyos na lola na nasunog ang kanyang inipon na 14,000, natulungan na

0

Masaya na muli ang lola na hindi sinasadyang nasunog ang kanyang inipon na 14 piraso na 1000 peso bill habang siya ay nagsasaing.

Sa isang Facebook post, inanunsyo ni Governor Oyie Matias-Umali ng Nueva Ecija na pinalitan niya na ang 14,000 pesos na nawala sa 95-anyos na lola na si Honorata Gahis.

Ayon sa gobernador ay naantig daw ang kanyang puso sa istorya ng lola na sobra ang lungkot na nadama dahil nasunog ang perang kanyang inipon ng napakatagal.

“Agad na ipinagutos ni Governor Oyie Matias-Umali na hanapin si Lola, at ngayong araw ay naihatid na sa kanya ang 14,000 pesos na kapalit ng mga nasunog niyang salapi. Labis ang pasasalamat ni Lola at nangako na iingatan na niya ang perang ipinagkaloob sa kanya ng butihing Ama ng Lalawigan,” ayon sa ulat.

Ipinakita din nila ang litrato ng masayang lola habang hawak ang pera na kanyang natanggap.

Matatandaan na hindi alam ni lola Honorata na naisama niya na pala ang kanyang wallet sa panggatong.

“Hindi ko alam pero nag-punta ako sa harap ng kalan… Hindi ko alam na andoon ‘yung wallet. Talagang wala na ‘yung wallet ko,” kwento ni lola.

Samantala ay palaisipan padin sa mga netizens kung mapapalitan pa ba ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga nasunog na pera ni lola.

May mga kailangan kasing sundin ang BSP bago nila i-konsidera na palitan ang mga nasirang pera.

“Dapat po ang natira sa nasunog ay 60%, more than 50%, more than kalahati,” ani Nenette Malabrigo, manager ng BSP Currency Issue and Integrity Office.

Nangako naman ang BSP na susuriin nilang mabuti kung maari pa bang palitan ang salapi ng lola.

Nagpayo din ang BSP sa mga netizens na ilagay na lamang ang kanilang pera sa bangko imbis na itago ito sa kanilang tahanan.

Facebook Comments