Naging maanghang ang mga pahayag ng mamamahayag na si Raffy Tulfo sa mga kritiko ng tinaguriang “eco girls” na sumimot ng isang community pantry sa Pasig.
Sa kanyang palabas sa Wanted sa Radyo, kinausap ni idol Raffy ang mga netizens na patuloy ang pambabatikos at nagbabanta sa buhay ng grupo na kinabibilangan nila Maricar Adriano at Shawi Delos Reyes.
“Kapag yung tao bagsak na, dapa na, sumu-surrender na, tantanan na, ako aminin ko kahapon nung pinakita sa akin ‘yan, natawa ako,” ani Tulfo.
Ayon sa kanya ay naawa siya sa kalagayan ni Maricar at Shawie matapos niyang mabasa ang mga mensahe ng ilang netizens laban sa kanila at sa pamilya ng mga eco girls.
Binalaan niya ang mga netizens na kung patuloy nilang babatikusin si Maricar at Shawie ay tutulungan nila ang mga ito na magsampa ng reklamo laban sa mga nagbabanta sa kanila.
“Kapag patuloy parin kayo nambabash, nag promise po ako sa kanya, kayo po ay madedemanda,” babala ng mamamahayag.
Dito na muling pinag-sorry ni idol Raffy ang grupo sa telebisyon.
“Sorry po sa mga nagawa namin. Pasensya na po, sana tigilan niyo na po ang pambabash samin dahil kami rin po nahihirapan,” sabi ng isa sa mga miyembro ng ‘eco girls’.
Matatandaan noong una ay lalo pang kinainisan ng mga netizens ang grupo dahil sa tila palaban nilang mga pahayag laban sa may ari ng community pantry na kanilang sinimot.
“Kaya naming isauli yan! Kung ganyan lang din lang na ilalabas niyo sa social media,” hamon ni Shawie sa naunang panayam sa kanya.
Hinimok din nila na ang may ari ng community pantry ang humingi ng tawad sa kanila.
“Gusto po namin siyang makaharap ng personal, kaming dalawa,” sabi ni Maricar.
“Sana mag public apology din siya sa amin dahil sobra na kaming naapektuhan lalo na ako, pati anak ko na maliliit,” dagdag niya pa.