Ikinuwento ng sikat na dermatologist na si Doctora Vicky Belo ang diumano’y masama niyang karanasan sa isang alkalde sa Makati.
Sa kanilang vlog, ibinahagi ni Belo sa kanyang mga followers ang pagkakulong niya matapos makipag alitan sa alkalde noon ng siyudad ng Makati.
Ayon sa kanya ay away trapiko ang puno’t dulo ng problema ng kanyang karanasan.
Hindi diumano nagdalawang isip ang nasabing alkalde na hulihin sila kahit hindi naman malaman kung ano ang kanilang naging kasalanan.
“So dati may mayor, hindi ko na sasabihin kung sino, sa Makati. Tapos ‘yung driver ko, nagda-drive ng car kasi may sirang kotse dito, kumaliwa. So ang dami naming nagtu-turn. Galing ‘yung mayor na ‘yun sa kabilang side. So nagalit siya kasi bina-block ng mga tao ‘yung way. Pinapunta niya lahat ng bodyguard sa lahat ng kotse para dalhin lahat ng mga driver sa kulungan. Eh ako naman, passenger lang po ako, pero pakielamera.” kwento ni Belo.
“So sabi ko, ‘This is not right, you know wala naman silang ginawa. I need to go on my lawyer, I need to ask him if this is right’. Sabi ng mayor, ‘Ikulong mo rin siya’. So nakulong din ako. And then in the beginning medyo enjoy enjoy pa ako kasi bagong experience,” dagdag niya pa.
Tumagal diumano ng mahigit 10 oras ang paghawak sa kanila ng mga nasabing tauhan ng alkalde.
Ayon sa kanya ay papalayain lamang sila kapag naalala na sila ng alkalde.
“After mga 10 hours nandoon pa rin ako. Natakot na ako. Tapos tinanong ko, ‘Kailan ba kami papalabas?’ Pag naalala daw ng mayor… I had to stay there for so long wala pang cellphone noon, ang tagal na no’n.” sabi ni Belo.
Hindi naman pinangalanan ni Belo ang nasabing alkalde ng Makati.