Hinuli ang dalawang babae sa Barangay Muzon, San Jose Del Monte City, Bulacan dahil nanaman sa ‘lugaw’.
Tila mainit na mainit parin ang usaping lugaw sa nasabing barangay kung saan nangyari din ang viral video kung saan isa sa mga opisyal ng Muzon ang ipinagpilitan na ‘non-essential’ ang naturang pagkain na patok sa mga Pilipino dahil sa pagiging mura nito.
Sa report ng NEWS5, nahuli ang dalawang nagpakilalang vlogger na diumano’y nagpadala ng lugaw sa mismong city hall ng Muzon.
Hindi naman pinangalanan ang nasabing mga vlogger, ngunit ipinakita naman ang lugaw na ipinadala daw nito.
Nakalagay sa takip ng lugaw ang mga salitang “For Barangay Muzon, essential po ang lugaw, para po matikman nyo lahat ng taga barangay muzon. *love* netizen *happy eating*”.
Ayon kay kapitan Marciano G. Gatchalian ay tila nangungutya ang nasabing mga vlogger sa kanilang barangay kaya naman hinuli nila ito.
Nagtataka rin sila kung bakit nakarating ang mga nasabing vlogger sa kanilang lugar kahit na taga Bagong Silang, Caloocan ang mga ito.
Nahaharap sa reklamong unjust vexation ang dalawa.
Matatandaan na isa sa mga opisyal ng barangay na si Phey Raymundo ang sumikat sa social media dahil sa pakikipagtalo nito sa isang rider.
“Para sa private establishments, essential goods and services. Essential po ba si lugaw? Hindi kasi mabubuhay ang tao ng walang lugaw. Ang essential, tubig, gatas, groceries,” sabi ng opisyal.
Humingi naman ng tawad kalaunan si Raymundo.