Isang panadero noon ang nagsumikap sa buhay upang maabot ang kanyang pangarap na maging isang doktor.
Sa isang Facebook post, ibinahagi ni 37-anyos na si Dr. Rommel Abellar Amos mula Eastern Samar ang kanyang pinagdaanan bago siya maging doktor.
Sa kanyang kwento ay iba’t ibang trabaho ang kanyang tinanggap upang masustentuhan ang kanyang pag aaral bilang doktor.
Ang una niyang trabaho ay noong 2005 bilang isang trabahador sa isang water refilling station, naging marketing assistant din siya, merchandiser at sales clerk.
Nitong 2017 naman ay nagtrabaho siya ng dalawang taon sa panaderya bilang assistant baker.
Ayon sa kanya ay wala siyang magulang na magtutustos sa kanyang gastusin sa pag aaral kaya naman sarili niya lamang ang kanyang maaasahan.
“Wala na po akong parents kaya sariling diskarte ko na lang po. During my med school, every summer break, Christmas break, and sem break nakakapag-trabaho po ako sa bakery pa rin. Mura po ang tuition namin sa Cagayan State University kaya kinaya,” kwento niya.
Natapos niya ang kanyang kurso sa Cagayan State University sa Tuguegarao City noong 2019 at kumuha naman siya ng Physician Licensure Examination nitong 2021 kung saan ay matagumpay niya itong naipasa.
“Masaya po at minsan naiiyak dahil sa sacrifices na pinagdaanan ko. Narealize ko na wala palang imposible ‘pag matyaga at masipag. Message ko sa young generation ay maging priority nila ang education. ‘Yun pa rin talaga ang magdadala sa kanila. Maging madiskarte in case may financial crisis,” sabi niya.
Plano niya na pagsilbihan ang kanyang probinsiya at maging barrio doctor upang mabigyan ng tulong ang mga nasa liblib na lugar.
May mensahe naman siya sa mga estudyante na balak pagsabayin ang pag aaral at pagta-trabaho.
“Sa mga working students ngayon, may katapusan ang sacrifices, focus sa goal. It will pay off in the end,” sabi niya.